Hindi utang na loob ng mga Pilipino kay Senador Bong Go ang Malasakit Centers

Hindi utang na loob ng mamamayan kay re-elected Senador Bong Go ang Malasakit Centers. Ito ang ipinaalala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) kasunod ng muling pagkakahalal ni Bong Go sa Senado na nakakuha ng pinakamaraming boto sa bilang ng Comelec. Ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP, ginagamit ni Go na kaalyado ng nakakulong na dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Malasakit Centers para sa personal nitong adyenda — samantalang desperado ang mamamayan sa makatao at libre sanang serbisyong medikal mula sa gobyerno.

“Hindi galing sa bulsa ni Bong Go ang Malasakit Centers. Galing ito sa buwis ng taumbayan — pero ang kapalit, ikinabit nya ang mukha niya at pangalan sa programang ito. Hindi ito malasakit, kundi malinaw na political clout chasing,” ani Ramos.

Sa panahong walang-wala ang karamihan sa mga Pilipino, walang hiya umanong pinakikinabangan ni Go ang karamdaman ng mamamayan para patuloy na mailarawan ang sarili bilang “tagapagligtas” ng mga pasyente — gamit ang isang programang ipinasa ng Kongreso at pinopondohan ng taumbayan.

“Sa katunayan, ginagawang pantapal ang Malasakit Centers sa bulok na sistemang pangkalusugan, habang sinasagad ni Bong Go ang political mileage. Para sa kanya, ang bawat pasyenteng lumalapit ay boto at hindi buhay,” ani Ramos.

Ayon sa datos ng Department of Health at Philippine Statistics Authority:

5 sa bawat 10 Pilipino ang namamatay nang hindi man lamang naaabot ng doktor o ospital.
44.4% ng gastusin sa kalusugan ay direktang binabayaran mula sa bulsa ng mamamayan — kahit may PhilHealth o Malasakit Center, hindi pa rin sapat.
Sa mahigit 42,000 barangay sa bansa, halos 40% ang walang maayos na barangay health station. Karamihan sa mga mayroon nito ay kulang sa gamot, kagamitan, at tauhan.
75 katao kada araw ang namamatay sa tuberculosis o TB, isang sakit na kayang pigilan sa isang matinong public health system.

Noong 2019, pinuna na ng Commission on Elections (COMELEC) ang Department of Health dahil sa pagkakalat ng mga poster at streamer sa mga ospital na may mukha at pangalan ni Bong Go sa ilalim ng Malasakit Program. Iniutos ng COMELEC ang pagtatanggal ng mga ito, dahil tahasan na paglabag ito sa election laws at paggamit ng public funds para sa personal na promosyon. Sa kabila nito, tuloy-tuloy ang pagpapakilala ni Go bilang pangunahing arkitekto ng programa — kahit na ito ay nilikha at pinapatakbo ng gobyerno gamit ang pondo ng bayan.

Sa halip na palakasin ang pampublikong sistemang pangkalusugan — gaya ng pagbibigay ng sapat na badyet sa mga pampublikong ospital, pagdagdag ng sahod at benepisyo sa mga health workers, at pagbubuo ng komprehensibong preventive health care — ginawang “one-stop shop” ang solusyon, kung saan kailangang maglakad ng papel, humanap ng koneksyon, at kadalasan ay ilapit sa mga pulitiko para lang makakuha ng tulong sa medical assistance.

“Ang Malasakit Centers ay programang nagpapamukha sa mahihirap na dapat tumanaw ng utang na loob sa mga pulitiko, samantalang obligasyon at tungkulin ng gobyerno ang serbisyong pangkalusugan. Walang malasakit sa sistemang nagpapalimos ng serbisyo sa tao, laluna sa mga mahihirap,” dagdag ni Ramos.

Nanawagan ang KMP na tanggalin ang mukha ng mga pulitiko sa mga serbisyong panlipunan at itaguyod ang tunay na makataong sistemang pangkalusugan. “Kailangang ma-de-politicize ang Malasakit Centers at lahat ng public assistance programs na karaniwang ginagamit ng mga pulitiko at trapo. Dapat itaas ang badyet para sa pampublikong kalusugan, badyet sa libreng gamot, mga pampublikong health workers at public hospitals. Dapat kilalanin na ang kalusugan ay karapatan at hindi regalo ng mga pulitiko,” pagtatapos ni Ramos.

Leave a comment