Mariing kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang desisyon ng Court of Appeals na nag-uutos sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Land Bank of the Philippines (Landbank) na bayaran ng mahigit P28.488 bilyon bilang “just compensation” ang mga Cojuangco-Aquino at Lorenzo. Ayon sa KMP, ang desisyong ito ay patuloy na patunay ng walang hanggang inhustisyang dulot ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga sa mga manggagawang-bukid at ng magsasakang matagal nang niloloko ng huwad na reporma sa lupa.
“Walang katarungan sa pagbibigay ng bilyong pisong kabayaran sa mga panginoong maylupa na dekada nang nagsamantala at nagkamal ng yaman mula sa mga magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita. Ito ay malinaw na patunay ng kabiguan at kabulukan ng CARP,” pahayag ni Danilo Ramos, Tagapangulo ng KMP.
Batay sa dokumentong inilabas ng Court of Appeals (CA-G.R. SP No. 180821), kinilala ng Korte ang kabuuang halagang Php28,488,944,278.71 bilang kabayaran sa mga Cojuangco-Aquino, matapos ibawas ang nauna nang natanggap na Php1.5 bilyon. Naging basehan ng desisyon ng CA ang pinakabagong halaga ng lupa nitong Abril 30, 2025. Ngunit sa kabila ng kabayarang ito, daan-daang magsasaka at pamilya sa Hacienda Luisita ang patuloy na walang lupa, walang nakamit na hustisya, at patuloy na inaagawan ng kabuhayan dahil sa malawakang land use conversion sa HLI.
Dagdag ni Ramos: “Habang ang mga tunay na nagbungkal ng lupa ay pinaslang, pinalayas, at sinupil, ang mga nagkamal ng kita mula sa monopolyonbg pag-aari sa lupa ay ginagantimpalaan pa. Sa ilalim ng CARP, deka-dekadang ginawang negosyo ang reporma sa lupa — hindi para tunay na mamahagi ng lupa kundi para magbenta, ipasok sa land conversion at land speculation ang mga lupain. Ang Hacienda Luisita sa ngayon ang ang pinakamalinaw na halimbawa ng kawalan ng intensyon ng administrasyong Marcos Jr na solusyunan ang problema sa lupa.”
Kahit pagkatapos ng 2004 Luisita Massacre hanggang sa kasalukuyan, patuloy na ipinaglalaban ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa. Subalit sa halip na pamamahagi ng lupa, ang ipinilit ng estado at ng mga institusyon nito ay mga kompromiso, land use conversion, at kumpensasyong pabor sa mga pamilyang panginoong maylupa. Sa ilalim ng CARP at ng New Agrarian Emancipation Act (NAEA), mas lalong lumalawak ang legal na balangkas ng pang-aagaw ng lupa mula sa mga lehitimong benepisaryo nito. Mas napatunayan din ang pagiging huwad na solusyon ng NAEA sa deka-dekadang sigalot sa lupa dahil sa higit na pagtangi parin nito sa mga panginoong maylupa at mga malalaking negosyo.
“Mas malaki pa sa kabuuang badyet ng DAR ngayong 2025 ang ibabayad nito sa mga Cojuangco-Aquino. Hindi na dapat bayaran ang pamilyang ito pati na ang mga Lorenzo na may malaking sapi na rin sa Hacienda Luisita. Sa halip na maglaan ng sapat na pondo para sa ayuda, suporta sa produksyon at kumpensasyon sa mga magbubukid, magbubuhos pa ng gobyerno ng yaman ng bayan sa mga landlord. Habang gutom at lugmok ang magsasaka, may bonus pa ang mga panginoong maylupa,” giit pa ni Ramos.
Sa paparating na State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr., tiyak na ibibida nito ang mga “tagumpay” ng NAEA, ngunit malinaw na ito lamang ay mapanlinlang na kondonasyon sa mga magsasaka at pagpabor sa kanyang mga kasabwat na kapwa panginoong maylupa.
Panawagan ng KMP at si Ramos ng pagbasura sa huwad na CARP at ng pagkilos ng mga magsasaka at mamamayan para isulong ang tunay na reporma sa lupa at libreng pamamahagi ng lupa. Ang mga landlord ay hindi dapat bayaran, kundi papanagutin. “Walang tunay na reporma sa lupa hangga’t binabayaran ang mga panginoong maylupa at itinuturing na utang ng magsasaka ang karapatan sa lupa,” ayon sa KMP.
