Palakasin ang lokal na produksyon, itigil ang pag-asa sa imported rice — KMP

Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na kailangang walang tigil na paalalahanan ang Department of Agriculture (DA) sa kawalan nito ng plano at direksyon na palakasin ang lokal na produksyon ng palay at bigas at patuloy na umasa lamang sa imported na bigas para sa konsumo ng mga Pilipino.

Reaksyon ito ni KMP Chairperson Danilo Ramos sa atas ni DA Secretary Francis Tiu-Laurel suhayan ng mga pag-aaral ang kagustuhan umano o rice preferences ng mga konsyumer para sa mas mabango at mas malambot na imported na bigas. Gustong habulin o pantayan ng DA ang kalidad ng premium rice variety ng Vietnam na ST25 na itinuring na best rice variety noong 2019.

Matagal nang sinasabi ng mga magsasaka sa DA ang mga hakbang na gagawin kung paano palalakasin ang local rice production. Hindi pwedeng palagi na lang tayong nakaasa sa imported rice para sa lokal na konsumo. Ang Vietnam ang pinakalamaking exporter ng bigas sa Pilipinas at kilala rin sa mga fragrant at sticky rice varieties nito. Ang Pilipinas naman ay nasa ikatlong taon na ngayon ng pagiging top rice importer sa mundo.

Ayon sa KMP, mayroong mga de-kalidad at primera klaseng lokal na in-bred rice varieties gaya ng NSIC 160, 218, 216. “Sa subsidyo pa lang, hindi na makaka-sabay ang mga Pilipinong magsasaka sa mga Vietnamese rice farmers na may insentibo mula sa kanilang gobyerno. Samantalang dito sa Pilipinas, puro pautang ang programa ng DA, walang direktang ayuda, subsidyo at kumpensasyon sa mga magsasaka ng palay. Ipinagkakait ang tunay na suporta sa lokal na magsasaka at nananatiling lugmok ang lokal na produksyon,” sabi pa ng grupo.

“Panahon na para baligtarin ang kalagayan ng Pilipinas bilang top rice importer. Ang tanging daan ay tunay na reporma sa lupa, pagtitiyak ng makatarungang presyo ng palay, subsidyo sa binhi at abono, at muling pagbabalik ng tunay na mandato ng NFA upang tiyakin pagbili ng gobyerno sa ani ng mga magsasaka at abot-kayang bigas para sa mamamayan,” ani Ramos.

Dagdag pa ng KMP, ang patuloy na pagbubukas ng bansa sa imported rice ay nagdudulot lamang ng mas matinding krisis para sa mga magsasaka. Imbes na itulak ang importasyon, dapat ay tutukan ng gobyerno ang pagpapaunlad ng lokal na agrikultura at ang pagbuwag o pagbasura sa Rice Tariffication Law (RA 11203) na naging dahilan ng pagbagsak ng presyo ng palay at pagkalugi ng libu-libong magsasaka.

Giit ng KMP, kung tunay na nais ng pamahalaan na magkaroon ng mas mataas na kalidad na bigas para sa mga Pilipino, dapat itong manggaling sa sariling lupaing sinasaka ng ating mga magsasaka at hindi nakasalalay sa imported. Ang pag-asa sa importasyon ay manipestasyon ng kabiguan ng pamahalaan na paunlarin ang sariling kakayahan. ###

Leave a comment