
Sawang-sawa na ang magsasaka ng tabako sa Ilocos Sur, Ilocos Norte at La Union na paglaruan ng mga kumpanya ng sigarilyo! Kung gugustuhin ng mga kumpanya ng sigarilyo, kaya naman nilang itaas ang presyo ng tabakong Virginia sa P100 hanggang P150 kada kilo, pero patuloy na niloloko at dinedehado ng mapanlinlang na “grading system.”
Dahil dito, nananatili sa mababang P97/kilo ang floor price. Ibig sabihin, kaya naman pala nilang ibigay ang makatarungang presyo, ngunit sinasadyang pahirapan at baratin ang mga magsasaka gamit ang klasipikasyon. Kaya’t makatarungan at dapat ipaglaban ang P128/kilo na floor price na walang klasipikasyon!
Ang kasalukuyang kontrata sa contract growing ng tabako ay tila lubid na nakapulupot sa leeg ng magsasaka. Bagama’t may maliit na tagumpay sa pagdaragdag ng probisyon para sa force majeure, malinaw na nananatiling pabor ito sa mga kumpanya ng sigarilyo. Walang malinaw na proteksyon para sa magsasaka, may mahigpit na restriksyon sa pagbenta, ipinagbabawal ang pagrereklamo, ipinapataw ang dagdag bayarin tulad ng withholding tax at service fees, at ginagamit ang confidentiality clause para patahimikin ang mga manananim ng tabako. Kung hindi nila ipaglalaban ang makatarungang kontrata, mananatili silang alipin!
Dapat ding pagsilbihin sa mga magsasaka at mamamayan ang multibilyong Tobacco Excise Tax na nakokolekta mula sa export ng tabako. Pawis at dugo ng mga magsasaka ang pinagmulan ng buwis na ito, ngunit nilulustay lamang ng mga pulitiko sa proyektong walang pakinabang sa mamamayan. Habang baon sa utang at gutom ang mga nagpapagal sa mga bukid at taniman, patuloy nilang ginagawang negosyo ang kaban ng bayan. Ang buwis mula sa tabako ay dapat bumalik bilang suporta sa produksyon, pondo para sa kabuhayan, at serbisyong panlipunan at hindi sa bulsa ng iilan!
Sa ginaganap na Tobacco Tripartite Conference, hindi mananahimik ang mga magsasaka. Hindi nila hahayaang maging palamuti lamang sa pagpupulong habang patuloy na idinidikta ng mga kumpanya ang presyo at patakaran. Malakas silang mananawagan at nararapat na samahan natin sila: P128/kilo na floor price na walang klasipikasyon, makatarungang kontrata, at pagsilbihin ang Tobacco Excise Tax para sa mamamayan.
Ang mga magsasaka ang bumubuhay sa industriya ng tabako. Walang magsasaka, walang ani. Walang ani, walang tubo ang kumpanya. Nasa masang magsasakang pangunahing pwersa ang may tunay na kapangyarihan!
Panawagan ng STOP Exploitation:
P128/kilo floor price ng tabako na walang klasipikasyon, ipatupad!
Tabako Excise Tax, pagsilbihin sa mamamayan!
Makatarungang kontrata, ipatupad!
Presyo ng tabako, itaas!
Presyo ng farm inputs, ibaba!
P30,000 production subsidy, ibigay!
Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!
