EO 100 ni BBM, walang intensyon na resolbahin ang krisis sa palay at bigas

Mariing binabatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang Executive Order No. 100 ng administrasyong Marcos Jr. dahil wala itong tunay na intensyon na solusyonan ang matagal nang krisis sa palay at bigas na pinapasan ng mga magsasaka at mamamayan.

Ayon sa KMP, walang konkretong mekanismo sa EO 100 upang itaas ang farmgate price ng palay o magbigay ng sapat na suporta sa mga magsasaka. Sa pagtataya ni KMP Chairperson Danilo Ramos, nasa 95% ng palay ang binibili ng mga pribadong traders na siyang kumokontrol sa presyo, suplay ng bigas, at kita ng mga magsasaka.

Dagdag pa ng grupo, hindi mandato ng mga LGU at iba pang ahensya ng gobyerno ang pagbili ng palay. Ang tungkuling ito ay dati nang nasa National Food Authority (NFA), ngunit inalis ito ng Rice Liberalization Law (RLL), dahilan upang mawalan ng kakayahan ang NFA na mamili ng sapat na dami ng palay.

“May kapangyarihan sana ang NFA na mamili ng palay subalit inalis ito ng liberalisasyon. Dapat nakakabili ito ng hanggang 20% ng kabuuang produksyon ng bigas, pero wala tayong nakikitang NFA rolling buying stations sa mga baryo,” ayon sa KMP.

Sa kasalukuyan, karamihan sa mga LGU ay walang sapat na pondo, pasilidad, at imprastraktura para mamili ng palay. Kulang o wala ring mga kiskisan, bilaran, at storage facilities kaya imposibleng maipatupad nang epektibo ang sinasabing “palay procurement program” ng EO 100.

Dahil dito, napipilitan pa rin ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang ani sa mga traders sa bagsak na presyo, habang patuloy na tumataas ang presyo ng bigas sa merkado.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang produksyon ng palay sa bansa noong 2024 sa 19.09 milyong metric tons (MMT) mula 20.06 MMT noong 2023 o halos 4.85% na pagbaba. Sa kabila ng pagbaba ng lokal na ani, patuloy namang tumataas ang importasyon ng bigas, na umabot sa 4.78 MMT noong 2024 o pinakamataas sa kasaysayan.

Sa unang tatlong buwan ng 2025 (Enero–Marso), naitala na ang 641,000 MT ng imported rice, halos kalahati ng 1.2 MMT na inangkat sa kaparehong panahon noong 2024, ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI).

Ipinapakita ng mga datos na bumabagsak ang lokal na produksyon habang umaasa ang gobyerno sa importasyon upang punan ang kakulangan — kabaligtaran ng sinasabing layunin ng EO 100 na tulungan ang lokal na magsasaka.

“Kung tunay na nais ng gobyerno na mapababa ang presyo ng bigas, dapat nitong palakasin ang lokal na produksyon at direktang bumili ng palay sa makatarungang presyo, hindi umasa sa murang imported rice na pumapatay sa lokal na agrikultura,” giit ng KMP.

Binatikos din ng KMP ang malaking pondong nasasayang sa mga proyektong flood control at iba pang maanomalyang proyekto na umaabot sa P197 bilyon kada taon. Ayon sa grupo, kung ilalaan sana ang halagang ito sa palay procurement, kaya nitong bumili ng hanggang 30% ng lokal na produksyon ng palay.

Giit ng KMP, hindi EO 100 ang sagot sa krisis sa bigas. Ang mga kagyat at tunay na solusyon ay ang pagbabasura ng Rice Liberalization Law at ng kabuuang patakarang liberalisasyon sa agrikultura, na nagdulot ng pagkalugi ng mga magsasaka at pagkasira ng lokal na produksyon.

“Dapat ibalik sa NFA ang mandato at pondo para direktang bumili ng palay sa mga magsasaka sa presyong makabubuhay. Hangga’t umiiral ang Rice Liberalization Law, mananatiling bagsak ang presyo ng palay at mataas ang presyo ng bigas,” dagdag ni Ramos.

Sa kabila ng mga pangako ng gobyerno, nananatiling hindi abot-kaya para sa masa ang presyo ng bigas. Bagama’t nagtala ng pansamantalang pagbaba noong Hulyo 2025 (P41.31/kilo mula P50.90/kilo noong Hulyo 2024), nananatiling pabago-bago at mataas ang presyo sa kabuuan.

Inaasahan pa rin ang tuloy-tuloy na upward pressure o pagtaas ng presyo ng bigas sa 2025–2026 dahil sa pagbaba ng lokal na produksyon at kawalan ng sapat na interbensyon ng gobyerno. Sa pandaigdigang antas, tumaas din ang global rice price index ngayong 2025 dahil sa mas mataas na demand at pagbabago sa foreign exchange, na may direktang epekto sa import-dependent na industriya ng bigas.

#PeasantMonth2025
#OctoberPeasantMonth

Leave a comment