Nagsagawa ang Kilusang Magbubukid Ng Pilipinas (KMP), AMIHAN, at iba pang grupo ng Black Friday protest sa harap ng Department of Agriculture (DA) upang tutulan ang malawakang korapsyon at labis na importasyon na nagpapahirap sa maliliit na magsasaka at nagtataas ng presyo ng pagkain. Binatikos rin ng KMP ang DA dahil sa pagpapatuloy ng mga neoliberal na polisiya at importasyon sa halip na palakasin ang lokal na produksyon. Ayon kay Danilo Ramos, matagal nang ginagamit ang importasyon bilang mekanismo ng mga anomalya at Korapsyon sa DA, Bureau of Customs, at iba pang ahensya.
Kasabay nito, nanawagan ang KMP, Amihan at Bantay Bigas ng malaya at transparent na imbestigasyon sa pagkakasangkot ng pamilya Marcos at Araneta sa mga anomalya sa agrikultura, kabilang ang importasyo, mga SOP, remittances, at kontrol sa pag-angkat ng sibuyas, asukal, at isda. Giit ng mga grupo, ang pamilya Marcos at Araneta ay kumokontrol umano sa importasyon, trading, at presyo, kaya hindi bumababa ang presyo ng bigas at iba pang pagkain sa kabila ng mga pakulo ng DA at administrasyon.
Tinukoy rin nila ang pagbubunyag ni dating Rep. Zaldy Co ukol sa papel ni FL Lisa Marcos at kapatid nito sa rice smuggling at importasyon. Binatikos nila ang DA na nagiging tagasunod lamang umano sa utos ng Pangulo at ng kanyang asawa upang pagtakpan ang mga anomalya. Dagdag nila, ang Rice Liberalization Law at liberalisasyon sa agrikultura ay nagsisilbi lamang upang gawing ligal ang mga transaksyon ng mga kartel at smugglers na hawak ng pamilyang Marcos.
Ayon sa mga grupo, malinaw na pahirap at kontra-magsasaka ang rehinen na nagpalala pa sa krisis sa pagkain sa bansa. Kaya nanawagan sila sa publiko na makiisa sa protestang bayan laban sa Korapsyon sa Nobyembre 30 bilang panawagan ng hustisya, pananagutan, at tunay na pagbabago sa bulok na sistema. ###
Images ctto.
