Sa pagdiriwang ng kapaskuhan, pinupugayan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang walang humpay na pakikibaka ng masang magsasaka sa kabila ng matinding pagsubok ngayong taon. Sa gitna ng patuloy na kawalan ng lupa, mababang presyo ng ani, at lumalalang kahirapan sa kanayunan, nananatiling matatag ang hanay ng mga magsasaka sa pagtatanggol ng kanilang karapatan at kabuhayan. Ang Pasko ay hindi lamang panahon ng pag-asa, kundi paalala rin ng kolektibong lakas ng mamamayan na patuloy na lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa at makatarungang lipunan.
Habang lumalamon ngayong Pasko sa mararangyang handaan ang mga tiwaling politiko at panginoong maylupa, patuloy na naghihikahos ang mga magsasaka. Sa harap ng talamak na sistematikong pandarambong sa pondong bayan, ang magsasaka ang patuloy na napagkakaitan ng lupa, serbisyong panlipunan, at sapat na suporta sa produksyon. Habang pinatataba ang bulsa ng iilan, lalong nilulubog sa kumunoy ng gutom, utang, at kawalang-katiyakan ang kanayunan.
Sa diwa ng kapaskuhan, pinatitibay ang paninindigang ng KMP para labanan ang katiwalian, pyudal na pagsasamantala, at pangangamkam ng lupa at ang umiiral na malapyudal at malakolonyal na kaayusan. Ang Pasko para sa magsasaka ay hindi pahinga sa pakikibaka kundi panawagan para sa mas masinsing pagkakaisa at pagkilos tungo sa tunay na reporma sa lupa at isang makatarungang lipunang nagsisilbi sa nagbubungkal!
