


Ang mga burukrata kapitalista ay kabilang sa iilang naghaharing-uri sa Pilipinas ngayon. Kasama nila ang mga burgesya-komprador na ahente ng mga dayuhang negosyo, at mga panginoongmaylupang may monopolyo sa likas-yaman ng bansa. Marami sa mga burukrata kapitalista ay mga panginoongmaylupa at/o komprador din. Kung hindi man, may mahigpit silang relasyon sa mga ito.
Ang pagtubo ng mga burukrata kapitalista ay hindi nakatuntong sa pagpapaunlad sa produksyon at ekonomya. Sa halip, nakasalalay ito sa kanilang pagiging mabuting ahente para sa dayuhan at pribadong negosyo. Yumayaman sila sa lalong paghihirap ng bansa.
Ang pinakamalalaking burukrata kapitalista sa Pilipinas ngayon ay kinabibilangan ng mga pinakamakapangyarihan at mayayamang angkan. Bumubuo sila ng mga dinastiya sa proseso ng pagtutuloy-tuloy at pagpapalawak pa ng kanilang yaman at kapangyarihan. Hinulma nila ang mismong sistemang elektoral para hayaan ang ganitong bulok na politika. ###
