Hindi na dapat ang isa pang Duterte sa Malacañang, panagutin sina Sara at Rodrigo Duterte

Inday Sara tumigil ka! No to another Duterte in Malacanang! Ito ang reaksyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya bilang pangulo sa halalan 2028. Desperadong hakbang umano ito ng Bise Presidente para pigilang umusad ang impeachment complaint laban sa kanya.

Para sa KMP, malinaw na hindi dapat payagan ng taumbayan ang isa na namang Duterte na maupo sa Malacañang, lalo na at hindi pa napapanagot ang pamilyang Duterte sa mahabang listahan ng kasalanan nila sa mamamayang Pilipino.

“Tama na, sobra na. Gaya ng dinastiyang Marcos, ilang dekada nang nasa pwesto ang dinastiyang Duterte. Sa halip na mangarap na maluklok bilang Pangulo, dapat managot si Sara Duterte sa mga nilustay na pondo sa Department of Education (DepEd) at sagutin ang taumbayan sa bawat sentimong pinagpaguran ng mamamayan,” ani Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

Kasabay nito, binatikos din ng KMP ang balitang nais ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na i-waive o talikuran ang kanyang karapatang dumalo sa pagdinig ng ICC kaugnay ng imbestigasyon sa madugong war on drugs. “Napakaraming imbentong alibi ni Duterte para iwasan na humarap sa ICC at umiwas sa pananagutan.”

Giit ng grupo, nananatiling bukas ang sugat ng libu-libong pamilya na nawalan ng mahal sa buhay sa madugong kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon. Hindi dapat kalimutan at lalong hindi dapat ibaon sa limot ang mga biktima ng extrajudicial killings.

“Hanggang ngayon naghahanap ng hustisya ang mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs at political killings. Hindi sapat ang mga palusot at legal na taktika upang takasan ang pananagutan. Ang kailangan ng taumbayan ay hustisya,” dagdag pa ni Ramos.

“Dapat panagutin, huwag ibalik sa kapangyarihan ang mga Duterte.” Binigyang-diin ng KMP na ang kailangan ng bansa ay tunay na pagbabago sa pulitika at pamumuno: isang pamumunong walang Marcos at Duterte, pamumunong may pananagutan at malinaw ang plataporma para sa reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, at pagtitiyak ng karapatan at kabuhayan ng mga magsasaka at mamamayan.

Nanawagan ang KMP sa publiko na maging mapanuri at huwag magpadala sa makinarya ng mga dinastiyang politikal. “Huwag nang muling magpabudol! Panahon na upang putulin ang siklo ng kapangyarihan ng mga dinastiya at panagutin ang mga lumabag sa karapatang pantao at nagwaldas ng pondo ng bayan. Never again, never forget. Hindi na dapat ang isa pang Duterte sa Malacañang,” pagdidiin ni Ramos. ###

Leave a comment