Nanawagan ang grupo ng mga magsasaka na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na pabilisin ang pagbibigay ng ayuda o cash assistance sa mga magsasaka at mangingisda na labis na apektado ng oil price shocks sa nakalipas na mga linggo.
“Kakarampot na lang ang Php2,325 para sa mga magsasaka, pinatatagal pa bago ibigay. Paano na ang mga magsasaka na halos tumigil na sa pagtatanim dahil sa mataas na presyo ng agriculutural inputs lalo na ng petrolyo at fertilizer o abono? Umaabot na sa Php120 na ang kada litro ng diesel, nasa Php2,100 na ang kada bag ng urea. Kapag hindi umaksyon agad ang gobyerno, tiyak ang paglala ng krisis sa pagkain sa bansa.”
“Sa totoo lang, hindi bagong intervention ito dahil dati na itong napondohan sa General Appropriations Act. Halos nagdoble na ang presyo ng diesel, paghihintayin pa ng gobyerno ang mga magsasaka at mangingisda. Palimos na nga, delayed pa. Dapat na talagang magalit ang mga magsasaka sa kabagalan at kainutilan ng rehimeng Marcos,” ayon kay Danilo Ramos, lider ng KMP.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), posibleng sa Mayo pa masimulan ang pamimigay ng Php2325 ayuda mula sa Php10 bilyon na Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolks (PAFF). Papasok ang P2325 sa mga Interventions Monitoring Card (IMC) bilang top-up o dagdag. Magkakaroon daw ng Distribution Caravans ang DA para sa mga wala pang IMC.
Nasa 4 milyong magsasaka at magsasaka ang target na mabigyan – 2.1 milyon rice farmers, 1.4 milyon na corn farmers, 399K mangingisda at 107k sugarcane farmers o mga magsasaka sa mga tubuhan. Kapansin-pansin na walang ang mga vegetable growers sa target mabigyan ng ayuda. Wala ring matatanggap ang mga manggagawang bukid o farm workers.
Sa pagtataya ng KMP, nasa 21% lang ng kabuuang 19.6 milyong magsasaka at mangingisda sa bansa (ayon sa 2022 Census on Agriculture and Fisheries ng PSA) ang makakatanggap ng cash ayuda mula sa PAFF.
Lalahok ang mga magsasaka ng KMP sa mga protesta ngayong Marso 26-27 kasabay ng malawakang transport strike ng mga manggagawa sa transportasyon.###
