PUSISYON NG MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA SA NAPAKATAAS NG PRESYO NG LANGIS

Para sa Hearing ng Fuel Crisis Ad Hoc Committee, Marso 7, 2022

Sa pagdinig ng House of Representatives Fuel Crisis Ad Hoc Committee kaugnay sa napakataas na presyo ng mga produktong petrolyo, naninidigan ang mga magsasaka at mangingisda na dapat may gawin ang gobyerno upang kontrolin ang presyo ng langis at mabigyan ng kagyat na economic relief at ayuda ang apektadong mamamayan.

Matagal nang hindi makaagapay ang mga magsasaka at mangingisda sa mataas na presyo ng langis. Malaki na ang naging epekto ng sunod-sunod na oil price hikes (OPH) sa gastos sa produksyon at gastos sa pamumuhay ng mga magbubukid. Awtomatiko rin ang epekto ng bawat OPH sa mga presyo ng bilihin, transportasyon, singil sa yutilidad at iba pang gastusin.

Tiyak na grabe na naman ang magiging epekto ng mega big-time OPH na P3-P5 kada litro sa mga magsasaka, mangingisda at maralita sa kanayunan.

Direktang apektado ng OPH ang mga magsasaka bilang mga prodyuser na gumagamit ng gasolina para sa mga makinang pansaka. Ang karaniwang makinang ginagamit ng mga magbubukid na hand tractor at thresher ay nangangailangan ng gasolina at langis. Bawat OPH ay may epekto sa gastos sa produksyon ng palay at iba pang produktong agrikultural.

Apektado rin ang mga magsasaka bilang mga maninindang kailangang magbyahe ng produkto mula sa sakahan o imbakan tungo sa mga bagsakan o palengke gamit ang mga sasakyang nangangailangan ng gasolina at langis. At apektado rin sila bilang konsyumer ng iba pang batayang produktong umaasa rin sa langis.

Sa datos ng KMP, sa isang ektaryang palayan, tinatayang 600 litro ng gasolina ang nagagamit ng isang rotavator at hand tractor kada anihan. Gayundin, ang mga irrigation pump na gumagamit ng gasolina ay kumukunsumo ng 150 litrong gasolina kada anihan. Kung kukwentahin, ang halos nasa P10 kada litrong itinaas ng presyo ng gasolina Mula Enero hanggang Marso 1 ay nagdagdag ng P7,500 kada ektaryang dagdag na gastos kada anihan. Kapag naipataw na ang mega big-time OPH, aakyat pa sa P10,125 hanggang P11,250 ang gastos sa krudo sa pagsasaka.

Pinakamalaki rin ang direktang epekto ng pagtaas ng langis sa maliliit na mangingisdang nakadepende dito ang tagal sa laot. Langis at gasolina ang bumubuo sa hanggang 80% ng kanilang gastos sa produksyon.

Sa bahagi naman ng PAMALAKAYA, ang mga maliliit na mangingisda sa Zambales sa P56 kada litrong presyo ng diesel sa probinsya, tumaas sa P8,960 kada buwan ang gastos nila sa krudo mula sa P7, 200 kada buwan noong 2021.

Ang maliliit na mamamalakaya na regular na komukonsumo ng halos 10 litro ng diesel ay nangangailangan na ng P560 bawat araw o kabuuang P8,960 sa bawat 16 fishing days. Katumbas ito ng P1,760 pagtaas sa gastos sa produksyon mula sa P7, 200 buwanang gastos. Madadagdagan pa ito dahil sa mega big-time OPH.

Para sa mga gumagamit ng LPG, ang 11-kg na tangke ng LPG ay nadagdagan na ng mahigit P110 ngayong taon. Wala pa sa kwentada ang itinaas sa presyo at gastos sa kerosene na karaniwang ginagamit ng mga magsasaka at mangingisda.

Para solusyunan ang mataas na presyo ng produktong petrolyo at mga epekto nitong dagdag presyo, nagmumungkahi kami ng mga sumusunod na aksyon:

  1. Kagyat na suspensyon ng excise tax at VAT sa produktong petrolyo
  2. Pagbabalik sa regulasyon ng downstream oil industry at pag-repeal sa Oil Deregulation Law
  3. Pagbibigay ng kagyat at sapat na ayuda – fuel subsidy, fuel vouchers sa mga apektadong sektor.
  4. Pagbibigay ng cash aid na P10,000 at production subsidies P15,000 sa mga apektadong sektor.
  5. Pagtatakda ng price ceiling sa mga basic at prime commodities.

(sgd) Rafael Mariano
Kilusang Magbubukid ng Pilipinas
Former Representative, Anakpawis Partylist

(sgd) Fernando Hicap
PAMALAKAYA
Former Representative, Anakpawis Partylist

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s