Mabuhay ang rebolusyonaryong diwa nina Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon, mga pangunahing tagapagtaguyod ng tunay repormang agraryo at kapayapaan

Nakikidalamhati ang buong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pagkamatay nina Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon. Nakikiramay kami sa pamilya at mga kasama nina Ka Benny at Ka Wilma at ng walong iba pang mga kasama. Inilaan nila ang kanilang buong buhay sa pagkakamit ng tunay na kapayapaang nakabatay sa katarungan subalit brutal na kamatayan ang sinapit nila sa mga berdugo.

Nagsimula ang pagkamulat at paglaban nila Ka Benny at Ka Wilma kasabay ng daluyong ng protesta ng mamayan laban sa diktaduryang Marcos Sr., at noong Agosto 20, 2022, pinaslang sila ng rehimeng Marcos Jr. at ng mersenaryong AFP-PNP kasabwat ang rehimeng U.S. Malinaw na ang ginawa sa kanila ng estado na pagdukot, pagtortyur at pagpaslang sa pinakabarbarikong paraan ay paglabag sa International Humanitarian Laws.

Nakasama ng KMP sina Ka Benny at Ka Wilma noong 2016-2017 habang nagaganap ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Republic of the Philippines (GRP). Pinag-uusapan at binabalangkas noon ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) na ang pangunahing laman ay Agrarian Reform and Rural Development at National Industrialization and Economic Development. Naging madalas ang pakikipagtalakayan nila at ng iba pang NDFP Peace Consultants sa mga magsasaka at iba pang sektor, para tiyaking ang mga demanda ng taumbayan ay maipaloob sa CASER. Marubdob at sinsero ang kanilang interes na magkamit ng mga makabuluhang reporma para sa mamamamayan, mabigyan ng solusyon ang mga ugat ng krisis at ng armadong tunggalian sa bansa.

Mas matagal na nakasama nina Ka Benny at Ka Wilma ang mga maralitang magbubukid sa kanayunan sa iba’t-ibang panig ng bansa na direktang lumalahok sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo at nagpapatupad ng minimum na programa sa reporma sa lupa ng rebolusyonaryong kilusan. Kung wala ito, higit na mas maraming magbubukid ang mapagsasamantalahan ng mga panginoong maylupa, mga burgesya kumprador at ng imperyalismong U.S.

Hindi matatawaran at hindi malilimot ang naging buhay at pakikibaka nina Ka Benny at Ka Wilma sa halos limang dekada na kasama nila ang mamamayang api. Mananatili silang buhay sa bawat manggagawa, magsasaka, kabataan at mamamayang namumulat sa tunay na kalagayan ng bulok na lipunan at kumikilos tungo sa tunay na pagbabago.

Wasto at dapat panghawakan ang mga iniwang paalala nina Ka Benny at Ka Wilma:

“Walang lubay, walang pagod na pukawin, organisahin at pakilusin ang masa. Walang ibang maaasahan ang mga inaapi at pinagsasamantalahan kundi ang sarili nilang lakas.” — Benito Tiamzon

“Ang pagsusulong ng pakikibakang antipyudal ang susi sa pagpapalawak at pagpapatatag sa rebolusyonaryong base sa kanayunan.” — Wilma Austria-Tiamzon

Ang pinamataas na pagpaparangal sa inyo ay ang pagpapatuloy ng pakikibaka hanggang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Mabuhay kayo Ka Benny at Ka Wilma, mananatili ang inyong halimbawa sa puso at isipan ng masang magbubukid. #

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s