Pinuna ng mga magsasaka ang gagawin ng Malakanyang na serye ng mga konsyerto kada tatlong buwan at sinabing pagwawaldas lamang ito ng pondo publiko. Ginanap ang unang konsyerto noong Abril 22 para sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines at kanilang pamilya.
Ang nilulutong proyektong “Konsyerto sa Palasyo” o “Concert at the Palace” ay revival ng dating grandiosong proyekto ni Imelda Marcos noong First Lady pa siya ni Marcos Sr. “Iba talaga ang diin at prayoridad ng gobyerno.”
“Napakaraming mas mahalagang usapin ang dapat harapin ng Malakanyang — krisis sa pagkain, krisis sa transportasyon, malalang kahirapan. Pero ito ang inaatupag ng mga nasa liderato,” dismayadong pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

“Posible rin na gawin itong “pang-aliw” sa masa na nahihirapan na sa patung-patong na mga taas presyo. Pero sa ngayon, ayuda at trabaho ang kailangan ng mga Pilipino.”
Dagdag pa ng grupo na kung gusto talagang suportahan at alagaan ng gobyerno at mga lokal na artista at mga Pilipinong mahuhusay sa sining ay mas dapat bigyan ng prayoridad, suporta at pondo ang libreng edukasyon ng mga kabataang Pilipino. Gayundin, dapat tiyakin ang regular na trabaho at nakabubuhay na sahod ng mga nasa creative industries. ###