Mariing binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang maliwanag na pagwawaldas ng isang bilyon sa political advertisements nina Sen. Imee Marcos at Las Piñas Rep. Camille Villar bago pa man ang opisyal na pagsisimula ng kampanya para sa 2025 elections. “Ang ganitong uri ng gastusan ay malinaw na nagpapakita ng garapal na pang-aabuso ng mga dinastiyang pulitikal sa bansa.”
Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), ang P1 bilyon na inilaan nina Marcos at Villar ay nagresulta sa kontrol sa halos 50% ng kabuuang P4.1 bilyon na ginastos sa political ads mula Enero hanggang Setyembre 2024. “Malinaw dito na ang kanilang yaman at kapangyarihan ang nagtutulak upang idikta ang kalakaran ng eleksyon, habang dehado ang mga kandidato mula sa hanay ng mga progresibo at taumbayan.”
“Habang milyun-milyong magsasaka at mangingisda ang nagugutom, heto ang mga Marcos at Villar na naglulustay ng bilyon para sa kanilang kampanya,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP at kandidatong Senador ng Makabayan. “Ganito ang mukha ng eleksyon na kontrolado ng mga bilyonaryo at mga dinastiya. Kaya mas dapat na igiit na bigyang pagkakaton ang mga progresibo at makamasang kandidato na magpahayag ng kanilang mga plataporma.”
Samantala, sinabi ni Ronnel Arambulo ng Pamalakaya, isa ring kandidato sa pagka Senador ng Makabayan, “Ang ganitong maluho at nakakalulang gastusan ay malinaw na pang-iinsulto sa mga Pilipinong naghihirap. Huwag na tayong magtaka kung ang perang ito ay mula sa kaban ng bayan o sa pagsasamantala ng ating likas na yaman. Dapat maging mapanuri ang publiko: saan nanggaling ang ganitong kalaking halaga at paano ito babawiin ng mga Marcos at Villar?”
Napansin din ng PCIJ ang napakalaking gastusan sa produksyon ng ads, social media campaigns, at pagpapanatili ng campaign offices na hindi pa kasama sa iniulat na halaga. Ang ganitong kalakaran ay nagpapalala sa hindi pantay na laban sa eleksyon, kung saan ang pera ang nagiging pangunahing batayan ng kampanya kaysa sa tunay na kakayahan at hangarin ng mga kandidato.
“Hindi dapat hayaan na ang halalan ay maging laro sa kapangyarihan ng political elites. Ang pera ng bayan ay dapat nakalaan sa serbisyong panlipunan, hindi sa panlilinlang sa mga botante,” dagdag pa ni Ramos. Nanawagan siya ng mahigpit na regulasyon sa election spending upang matiyak na hindi maabuso ang proseso ng halalan.
Patuloy na nananawagan ang KMP at Pamalakaya sa mamamayan na magkaisa laban sa sistemang pabor sa iilan at magtulak ng makataong pagbabago sa darating na halalan. Anila, panahon na upang wakasan ang mga dinastiya at itulak ang mga kandidatong tunay na kumakatawan sa interes ng sambayanan.
Ngayong Enero 19, magsasagawa ng house-to-house campaign ang Makabayan sa buong Kamaynilaan para abutin ang mga mamamayan at ipanawagan ang pagbaba ng presyo ng mga bilihin at pagtataas ng sahod. “Tao sa tao ang kampanya ng mga progresibong kandidato ng Makabayan. Hindi katulad ng mga dinastiya na nakaasa sa paglulustay ng pera para maka impluwensya sa mga botante,” pagtatapos ni Ramos. ###
