KMP at AMIHAN: P20/kilo na bigas sa Visayas, isa na namang “band-aid solution” ng DA

Muling kinuwestyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang anunsyo ng Department of Agriculture kaugnay ng pilot implementation ng P20/kilo na bigas sa Visayas. Ayon kina Danilo Ramos at Rafael Mariano ng KMP, bahagi ito ng pagtatangka ng administrasyong Marcos na ipakitang kaya nilang tuparin ang matagal nang pangakong murang bigas—ngunit hindi umano ito magiging sustenable at epektibo para bigyang solusyon ang malalang krisis sa bigas.

“Posibleng imported rice ang ibebenta ng DA. Kung gaya lang ito ng mga naunang programa, walang tunay na pagbabago sa epekto nito sa mga konsyumer at mas magpapalala sa kalagayan ng mga magsasaka,” ani Ramos na tagapangulo ng KMP at kandidatong Senador ng Makabayan. Nakita na natin lahat— Food Security Emergency Declration, Maximum Suggested Retail Price, Nutri-Rice, Sulit-Rice, at iba pa, sa halip na matagalang solusyon, puro eksperimento.

Binigyang-diin naman ni Cathy Estavillo ng AMIHAN at Gabriela Partylist ang posibilidad na lalo pang bumaba ang presyo ng palay, dahil magagamit ng mga trader ang P20/kilo na bigas bilang dahilan para baratin ang mga magsasaka. “Sa Leyte, nasa P12 hanggang P14 kada kilo ang palay. Umaaray at umiiyak na ang mga magsasaka, tapos ngayon, mas lalo pa silang mapipilitan sa pagbebenta ng palugi,” dagdag niya. Si Estavillo din ang tagapagsalita ng Bantay Bigas network. “Kung anu-anong hokus pokus na ang ginawa ng DA pero mataas pa rin ang presyo at hindi abot-kaya ng masa ang presyo ng bigas. Ang palay naman, napakababa ng presyo, mas mahal pa ang darak kung tutuusin,” ani Estavillo.

Ayon pa sa KMP, posibleng bahagi rin ito ng political maneuvering. “Kung sa Cebu ito unang ipatutupad, malinaw na may halong kampanya at motibo pulitikal, lalo’t vote-rich at marami pa ang pro-Duterte sa rehiyon,” pahayag pa ni Ramos.

Giit ng KMP, ang tunay na solusyon sa krisis sa bigas at hindi mga “band-aid schemes” ang nararapat kundi ang pagbabasura ng Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law, pagpigil sa labis-labis na importasyon, pagpapalakas ng lokal na produksyon ng palay at buong suporta sa mga magsasakang Pilipino. “Kung walang sapat at tunay na suporta sa mga magsasaka, mananatili tayong umaasa sa imported na bigas habang lalong pinapahirapan ang mga lokal na nagbubungkal ng lupa at nagtatanim ng palay,” pagtatapos ng KMP. #

Leave a comment