Sa ika-41 Cordillera Day, mahigpit na nakikiisa ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa mga magsasaka, katutubo, at mamamayan ng Kalinga at buong rehiyon ng Cordillera sa kanilang matatag na paglaban sa dambuhalang pagmimina ng Makilala Mines Corporation, Inc. (MMCI). Sa harap ng panibagong pananalakay sa lupaing ninuno at kabuhayan ng mamamayan, muling ipinapamalas ng mga taga-Cordillera ang diwang palaban at di matinag—ang diwang minana pa mula sa kabayanihan ni Macliing Dulag at ng mga martir ng pakikibaka.
Ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na ipinagkaloob ng Department of Environment and Natural Resources sa MMCI ay tahasang paglapastangan sa karapatan ng mga pambansang minorya sa kanilang lupaing ninuno. Hindi lamang ito banta sa kalikasan at kabuhayan—ito ay malinaw na anyo ng pandarambong at neo-kolonyal na kontrol sa yaman ng bansa.
Sa 2,500 ektaryang sakop ng MPSA, nilalayon ng MMCI na bungkalin at dambungin ang deposito ng ginto at gambang sa Maalinao-Caigutan-Biyog (MCB). Gamit ang mapanirang Sub-level Open Stoping na metodo, itatayo ang mga pasilidad sa minahan, mga tunnel, dam, imbakan ng tailings, at access roads na magdudulot ng panganib ng landslide, pagkalason ng tubig, at malawakang pagkasira ng kalikasan. Ang Pasil River, Chico River, at mga palayan ng Tabuk ay malalagay sa bingit ng pagkasira. Ang lokal na agrikultura ay nanganganib—kasama ang kabuhayan at pagkain ng mamamayan.
Hindi ito proyekto para sa tunay na kaunlaran kundi huwad na pangakong papabor sa dayuhang kapital at iilan. Habang ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos Jr. ang pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan, ipinagkakait naman nito ang karapatan ng mga mamamayan sa sariling pagpapasya at pag-unlad. Babaratin ang sahod ng mga manggagawa, habang ang kita mula sa mina ay ilalabas patungo sa bulsa ng mga dayuhang kapitalista.
Kasuklam-suklam ang paggamit ng estado ng dahas upang supilin ang paglaban ng mamamayan. Ginagamit ang mga armadong pwersa ng berdugong AFP at PNP bilang mga bayarang guwardiya ng minahan. Tuloy-tuloy ang militarisasyon at red-tagging sa layuning sindakin at buwagin ang lehitimong paglaban ng mga tribu at organisasyong masa.
Sa ganitong kalagayan, higit kailanman, kailangang pagtibayin ang pagkakaisa ng mga magsasaka, katutubo, kabataan, kababaihan, at buong mamamayan ng Cordillera at Pilipinas. Ipagpatuloy ang tradisyon ng barikada, ng petisyon, ng edukasyon, ng pagkilos masa. Palakasin ang mga samahan tulad ng Cordillera People’s Alliance (CPA), APIT-TAKO at iba pa. Palawakin ang kilusan ng mamamayan upang tuluyang wakasan ang sistemang sanhi ng pandarambong sa lupa, likas-yaman, at pagyurak sa karapatan ng mamamayan.
Sa araw na ito, buuin natin ang panibagong panata ng paglaban:
💥 Ipaglaban ang lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya!
💥 Tutulan ang MMCI at ang buong rehimeng pro-mina at anti-magsasaka!
💥 Isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan!
Makibaka, huwag matakot!
Makilala Mines Corporation, palayasin!
Ipagpatuloy ang laban para sa lupa, buhay, at kalayaan!
