




Mariing kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB) ang patuloy na palpak, perwisyo at mahal na serbisyo ng PrimeWater Infrastructure Corp., isang pribadong kumpanyang pagmamay-ari ng pamilyang Villar.
Bilang tugon sa kabilaang reklamo laban sa kumpanya ng tubig na tinatawag ding “Crime Water”, sumama ang KMP at AMB sa kilos-protestang pinangunahan ng Water for the People Network sa harap ng punong-tanggapan ng PrimeWater sa Mandaluyong City ngayong araw. Nagsama-sama ang mga magsasaka, urban poor, mga kababaihan, mga kawani ng gobyerno, at iba pang sektor upang ipanawagan ang kagyat na pagbabasura sa mga JVA ng PrimeWater at ang pagbabalik ng kontrol ng serbisyo ng tubig sa mamamayan.
Sa mga bayan ng Calumpit, Malolos City, Marilao, at San Jose del Monte City sa Bulacan, maraming residente ang nagreklamo tungkol sa kakulangan ng suplay ng tubig at mahinang suplay ng tubig mula nang kunin ng PrimeWater ang kanilang mga water district.
Ayon sa KMP, ang pagsasapribado at pangangamkam ng PrimeWater sa serbisyo ng tubig ay nagdudulot ng matinding dagok sa mga konsyumer ng tubig. Anila, malaki ang epekto ng kawalan at taas-presyo ng tubig pang-araw-araw na gamit ng mga komunidad. Ang tubig na para sa mga irigasyon, inaagaw ng Prime Water.
“Walang ibang layunin ang PrimeWater kundi pagkakitaan ang batayang serbisyo na tubig. Pinataas nito ang singil sa tubig, binawasan ang kalidad ng serbisyo, at winawalang-bahala ang karapatan ng mamamayan sa abot-kayang at maaasahang suplay ng tubig,” pahayag ni Ronnie Manalo, pangkalahtang kaliim ng KMP.
Idinagdag ng KMP na maraming lokal na water districts ang nalugmok at nabaon sa utang matapos ipailalim sa kasunduan ng Joint Venture Agreement (JVA) kasama ang PrimeWater. Ani Manalo, “Pinapatay ng PrimeWater ng mga Villar ang pampublikong serbisyo para lamang sa limpak na kita. Dagdag pasanin ito sa magsasakang matagal nang biktima ng kawalang suporta sa agrikultura, hindi nakakatamasa ng libreng serbisyong irigasyon, nagbabayad pa ng napakamahal na tubig ng PrimeWater.” Nasa P18.90 per cu.m hanggang P26.85 per cu.m ang singil ng kumpanya sa residential rates depende sa lugar. Mas mataas pa ang singil sa industrial/commercial rates na tubig. Nasa 124 syudad at munisipalidad ang Prime Water sa 36 na probinsya sa bansa.
Sa harap ng protesta, muling iginiit ni Manalo: “Sawang-sawa na ang mga magsasaka at mamamayan sa pagsasamantala ng PrimeWater. Hindi dapat maging negosyo ang tubig na nagbibigay ng buhay. Panahon na para tapusin ang ganitong pandarambong at ibalik ang tubig sa mamamayan—hindi sa bulsa ng mga oligarko.”
Patuloy ang panawagan ng KMP para sa pagpapatibay ng serbisyong pang-irigasyon at suplay ng malinis na tubig sa kanayunan bilang pundasyon ng tunay na reporma sa lupa at kasarinlan sa pagkain.
Ilan sa mga nailista ng KMP na kasalanan ng Prime Water sa mga konsyumer nito ang mga sumusunod:
Sa San Jose del Monte City sa Bulacan, bumagsak ang netong kita ng water district mula Php187.5 milyon noong 2015 sa negatibong Php5.3 milyon noong 2020, matapos ang joint venture agreement (JVA) sa PrimeWater noong 2018.
Sa Meycauayan, Bulacan, bumaba ang assets ng water district mula Php159.2 milyon noong 2017 sa Php134.4 milyon noong 2018, kasabay ng pagtaas ng non-revenue water sa 36.12%, na nagresulta sa Php50.55 milyong pagkalugi.
Sa San Fernando, Pampanga, nabigo ang PrimeWater na tuparin ang 28.9% ng kanilang obligasyong capital expenditure (capex) noong 2022, na nagkakahalaga ng Php34.1 milyon.
Sa Angeles City, Pampanga, humigit-kumulang 70,000 konsyumer ang naapektuhan ng mababang presyon ng tubig at hindi inaasahang water interruptions, kasabay ng pagtaas ng singil at pagdaragdag ng 12% VAT.
Sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija, nagkaroon ng pagtaas ng 12% sa singil sa tubig kahit na bumaba ang kalidad ng serbisyo, na nagdulot ng Php28.6 milyong pagkalugi sa water district.
Sa Santa Cruz, Laguna, inireklamo ng mga residente ang maduming tubig na may “kulamod” o jelly-like substance, na sinisi ng PrimeWater sa kontaminadong pinagkukunan ng tubig mula sa Laguna de Bay.
Sa Daraga, Albay, nagreklamo ang mga residente na lumobo ang kanilang bayarin sa tubig matapos ang pag-takeover ng PrimeWater sa lokal na water district. Ayon sa mga ulat, tumaas ang buwanang bayarin mula Ph400 hanggang halos Php1,200, ngunit hindi umano bumuti ang kalidad ng serbisyo.
Sa Bacolod City, Negros Occidental mula sa dating average na Php100 milyon kada taon, limitado na lamang sa Php35 milyon ang kita ng water district sa ilalim ng JVA, ayon sa Commission on Audit (COA).
Noong 2018, nagsampa ng reklamo ang Metro Iloilo Water District (MIWD) laban sa dating alkalde ng Iloilo City at walong miyembro ng konseho ng lungsod dahil sa umano’y iligal na pagbibigay ng prangkisa sa PrimeWater.
Sa Malaybalay, Bukidnon rin, nakolekta ng PrimeWater ang Php111.7 milyon mula sa mga konsyumer noong 2022, habang ang water district ay nawalan ng kontrol sa operasyon at kita.
Gayundin, sa mga syudad ng Bacolod at Malaybalay, kinuwestyon ng Commission on Audit ang legalidad ng mga JVA dahil sa kawalan ng feasibility study, konsultasyon, at posibleng paglabag sa Presidential Decree 198 at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Magpa-file din ng House Resolution si Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas para kagyat na imbestigahan ang mga anomalya ng Prime Water. ###
