




Sa pagtatapos ngayong araw ng Balikatan 2025, muling iginiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang mariing pagtutol sa interbensyong militar ng Estados Unidos at mga kaalyado nito sa bansa. Kaisa ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at iba pang organisasyon, nagkilos protesta sa harap ng Camp Aguinaldo upang markahan ang pagsasara ng ehersisyong militar at ipahayag ang paninindigan para sa pambansang soberanya.
“Sa pagtatapos ng ehersisyong ito, pinatitibay natin ang panata na ipagpatuloy at palalimin ang paglaban sa dayuhang interbensyong militar at imperyalismong US,” pahayag ni Ronnie Manalo, secretary general ng KMP.
Ayon kay Manalo, ginamit ang Balikatan upang bigyang katwiran ang pagdadala at de facto permanent deployment ng mga mapanganib na kagamitang pandigma gaya ng Typhon missile system, ship-killer Nemesis, at Marine Air Defense Integrated System (MADIS) sa iba’t ibang panig ng bansa. Aniya, “Hindi lang banta sa kaligtasan ng bansa ang mga kagamitang pandigma na ito, kundi malinaw na pagsangkot sa umiigting na tensyon sa rehiyon. Ipinapahamak nito ang mga Pilipino.”
Binanggit ni Manalo na ginagamit ang Balikatan bilang pretext o dahilan upang ilagay at itago ang mga missile system sa mga undisclosed locations sa bansa — na posibleng manatili kahit tapos na ang ehersisyo. Ang Typhon missile na dinala sa Laoag, Ilocos Norte noong Balikatan 2024 ay nasa Pilipinas pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Tinuligsa ni Manalo ang iresponsableng pagpapahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ng Estados Unidos ang Pilipinas hindi lamang sa mga probokatibong war games kundi para paigtingin ang tensyon sa rehiyon sa pamamagitan ng paglalagay ng mga missile system na maaaring targetin ang China at iba pang bansa.
Ani pa ni Manalo, “Ang tinaguriang ‘full battle test’ Balikatan ay nagdulot lamang ng mas malawak na disrupsiyon at perwisyo. Ipinataw ang no sail zone sa mga bayan ng Aparri at Zambales na nagpalayas sa mga mangingisda at grabeng nakaapekto sa kabuhayan sa mga coastal communities.
Dagdag pa niya, isang taon matapos ilunsad ang Luzon Corridor na diumano’y economic hub, nagresulta lamang ito ng mas malaking military buildup at pinalawak na presensiya ng militar ng US. “Tanging mga tiwaling heneral at opisyal ng rehimeng Marcos Jr. ang nakikinabang sa military aid ng US, na aktibong isinusulong ang imperyalistang adyenda ng proxy war laban sa China kahit na buhay at kinabukasan ng mga Pilipino ang nakataya.” Ang Luzon Corridor ay estratehikong lugar sa hilagang Luzon na ginagamit para sa pagpapalakas ng mga base militar at pasilidad ng US sa ilalim ng EDCA. Pinapalabas itong planong pang-ekonomiya pero sa katunayan, nagdudulot ito ng mas matinding presensiya ng militar malapit sa Taiwan at West Philippine Sea.
Binigyang-diin pa ng lider magsasaka na bukod sa pagpapalayas at panganib ng digmaan, ang taon-taong military exercises ay nagpapatibay sa pakikialam ng US sa pulitika ng bansa. Aniya, “Naganap ang Balikatan ngayong taon sa gitna ng nationwide gun ban sa panahon ng midterm election campaign. Ipinapaalala nito ang papel ng US sa pagtustos ng armas at pagsuporta sa brutal na kontra-insurhensyang programa ng rehimeng Marcos Jr.”
Hinamon ng KMP ang mga kandidato sa nalalapit na halalan na kwestyunin at kundenahin ang maka-US at maka-dayuhang patakaran ng rehimeng Marcos Jr at manindigan para sa independent foreign policy. “Ang diplomatiko at mapayapang solusyon sa maritime dispute sa China ang dapat unahin at hindi ang pagpapakatuta sa dayuhang militar,” giit ni Manalo.
“Nananawagan kami sa mamamayan na mas palalimin ang pag-unawa sa imperyalistang interbensyon sa ating bansa at aktibong makilahok sa mga pagkilos para sa pagtatanggol ng pambansang soberanya,” pagtatapos ni Manalo. ###
