Sa gitna ng anunsyo ng Department of Agriculture na palalawakin ang Php20/kilo bigas o Bente Bigas Meron (BBM) Rice Program upang masaklaw ang 14 milyong Pilipino at ang panukalang paglalaan ng Php10 bilyong badyet para sa 2026, nagpahayag ng pagkabahala ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). “Hanggang 2028 mumultuhin ng kanyang pangakong P20 kilo ng bigas si Marcos Jr. Lampas 110 milyon ang mga Pilipino, pero 14 milyon lang ang gustong saklawin ng BBM Rice, ibig sabihin mas marami pa rin ang hindi makakatamasa ng abot-kayang presyo ng bigas. Sa ngayon, napakalimitado at tanging vulnerable sectors (seniors, PWDs, solo parents at indigenous people) ang pwedeng makabili ng BBM rice.”
“Gaya ng paulit-ulit naming sinasabi, ang Bente Bigas Meron na ng DA-NFA-Malacanang ay panandaliang solusyon na hindi tumutugon sa ugat ng krisis sa bigas at mataas na presyo ng pagkain sa bansa. Sa halip na palakasin ang lokal na produksyon at todong suportahan at protektahan ang mga magsasaka, patuloy na inuuna ng administrasyong Marcos Jr ang importasyon ng bigas, na lalong nagpapahirap sa ating mga lokal na magsasaka,” ayon kay KMP chairperson Danilo “Ka Daning” Ramos.
“Walang saysay at magiging panandalian lang ang BBM Rice habang nariyan at ipinatutupad pa rin ang mapaminsalang Rice Liberalization Law na nagdulot ng pagbaha ng murang imported na bigas sa merkado, na siyang nagpapabagsak sa presyo ng palay at nagpapalugi sa ating mga magsasaka. Isang malaking panlilinlang ang BBM Rice Program na layong pagtakpan ang tunay na kalagayan ng sektor ng agrikultura sa bansa at ang malawak na kagutuman ng masang Pilipino.”
Muling nanawagan ang KMP at hinikayat ang taumbayan na igiit ang mga sumusunod:
Pagpapawalang-bisa sa Rice Liberalization Law upang maprotektahan ang lokal na produksyon at kita ng mga magsasaka.
Pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa upang mabigyan ng sariling lupa ang mga magsasaka at mapalakas ang kanilang agricultural at food production.
Paglalaan ng sapat na suporta, subsidiyo at kompensasyon sa mga magsasaka kabilang ang makinarya, binhi, pataba, libreng irigasyon at post-harvest facilities hanggang tulong sa marketing.
Pagpigil sa conversion ng mga lupang sakahan at agrikultural upang mapanatili ang sapat na lupang sakahan para sa produksyon ng palay at pagkain ng bansa.
Hindi pagtitiyak ng murang imported na bigas ang tunay na solusyon sa krisis sa bigas kundi ang tunay na reporma sa lupa, pagpapalakas ng lokal na produksyon at pagbibigay ng sapat na suporta sa ating mga magsasaka. Hinihikayat namin ang lahat na makiisa sa panawagang ito para ipaglaban ang mga maka-mamamayang reporma sa sektor ng agrikultura. ###
