Hinamon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang First Family, at mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na sumakay sa MRT at LRT tuwing rush hour upang maranasan ang araw-araw na kalbaryo ng mga manggagawang Pilipino
Ngayong Linggo ng umaga, sumakay si Pangulong Marcos sa MRT-3 North Avenue Station kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos, Rep. Sandro Marcos, at DOTr Secretary Vince Hizon upang subukan ang linya at mga bagon ng tren. “Sabi nga ng mga commuter na sumasakay sa MRT, LRT at EDSA, sasakay kang manggagawa, lalabas kang mandirigma—dahil parang labanan ang araw-araw na pagko-commute para makapasok sa trabaho at paaralan,” pahayag ng KMP. “Pwede rin subukan ng Pangulo na mag-commute sa MRT, LRT at EDSA bukas, Lunes.”
Ayon kay KMP Chairperson Danilo Ramos, “Kung tunay na nais ni Pangulong Marcos na maunawaan ang dinaranas ng taumbayan, dapat maranasan niya mismo ang siksikan, mahabang pila, at araw-gabing kalbaryo sa pag-commute. Hindi sapat ang mga plano at papogi—kailangan nilang makita at maramdaman ang reyalidad.”
Dagdag pa ni Ramos, kahit pinalawig ng isang oras ang operasyon ng MRT simula Marso 2025, nananatiling siksikan at puno ang mga tren tuwing rush hour. Maraming pasahero ang napipilitang maghintay ng matagal o magsiksikan sa loob ng mga bagon, na nagdudulot ng panganib sa kalusugan at kaligtasan. Nitong Abril, nagtaas naman ng P5.00 sa minimum at P10.00 sa maximum na pasahe ang LRT-1, na nakaapekto sa 370,000 pasahero nito. Pinayagan ng gobyernong Marcos ang taas-pasahe na ipinatupad ng Light Rail Manila Corporation, ang pribadong operator ng LRT. Magtataas pa ng 10.25% ang pamasahe tuwing dalawang taon hanggang 2046, at sa ngayon ay umaabot na sa P55 ang maximum na pasahe sa LRT-1.
Ayon sa datos ng Japan International Cooperation Agency (JICA), umaabot sa Php3.5 bilyon kada araw ang nawawala sa ekonomiya ng Metro Manila dahil sa matinding trapiko. Posible pang umabot ito sa Php5.4 bilyon kada araw pagsapit ng 2035.
Samantala, inaasahang lalo pang lalala ang trapiko dahil sa nakatakdang rehabilitasyon ng EDSA na magsisimula sa Hunyo 13, 2025 at tatagal ng dalawang taon. Ang Php8.7-bilyong proyekto ay kasabay ng ipatutupad na bagong odd-even traffic scheme, na magbabawal sa ilang sasakyan depende sa huling numero ng kanilang plaka tuwing weekdays. Nagkakaroon pa ng kalituhan kaugnay sa mga bagong coding scheme sa EDSA, ang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
“Panahon na para bumaba ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang mga sasakyan at maranasan ang tunay na kalagayan ng mga komyuter at ordinaryong Pilipino. Mahalaga ang transportasyon sa ekonomiya. Kailangan ng konkreto at maka-mamamayang aksyon para masolusyunan ang krisis sa transportasyon at magkaroon ng abot-kaya, ligtas, at maaasahang pampublikong transportasyon,” pagtatapos ni Ramos. ###
