Mariing kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang nakaambang malakihang pagtaas sa presyo ng langis sa susunod na linggo—na posibleng umabot sa halos P5 kada litrong pagtaas sa presyo ng diesel ayon sa kumpirmasyon ng Department of Energy (DOE). Dagdag pabigat ito sa mga magsasakang Pilipino na araw-araw inilulubog ng mataas na gastos sa produksyon at mababang presyo ng ani.
Ayon kay KMP chairperson Danilo “Ka Daning” Ramos, hindi biro ang epekto nito sa kabuhayan ng magsasaka. Umaasa sa diesel at gasolina para sa land preparation, pagbomba ng patubig, at paghakot ng mga ani mula sa bukid at taniman. Libu-libong pisong dagdag sa gastos bawat ektarya ang dati nang OPH na P2 hanggang P3 kada litro. Ang dagdag P5 kada litro ay matinding dagok na sa mga magsasaka at marami pang sektor. Halimbawa, ang magsasakang gumagamit ng humigit-kumulang 600 litro ng diesel sa isang cropping season—na dati’y umaabot ng P31,000—ay mapipilitang magbayad ng dagdag na P3,000 para sa diesel.
Mabigat ang pasan ng mga magsasaka sa ganitong mga krisis. Marami na ang napipilitang mangutang o tuluyang hindi na makapagtanim dahil wala nang pambili ng binhi, abono at iba pang farm inputs. Hindi lang kabuhayan ng mga magsasaka ang nanganganib—pati na ang seguridad sa pagkain ng buong bansa.
“Hindi lang presyo ng krudo ang tumataas—pati ang pasanin ng mga magsasaka, mangingisda, at ordinaryong tsuper. Pinapasan nila ang buwis sa TRAIN, VAT, at walang awat na pagtaas ng langis habang patuloy na binabalewala ng gobyerno ang krisis sa produksyon at kabuhayan sa kanayunan,” dagdag pa Ramos.
Nanawagan ang KMP sa Nanawagan din ang KMP sa publiko na iprotesta ang big-time OPH. Iginiit din ng grupo sa rehimeng Marcos na kagyat na pigilan ang nakaambang halos P5 na dagdag-presyo sa diesel. Inulit din ng grupo ang panawagan na alisin na ang 12% VAT sa langis at tuluyang ipawalang-bisa ang excise tax sa ilalim ng TRAIN Law. Hindi makatarungan ang ganitong buwis na nagpapahirap sa mga konsyumer at mga pangunahing sektor gaya ng agrikultura at transportasyon, habang tuloy-tuloy ang tubo ng malalaking kumpanya ng langis sa gitna ng dereguladong presyo.
Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation noong 2022, maaaring bumaba nang hanggang Php15 hanggang Php20 kada litro ang presyo sa mga gasolinahan kung aalisin ang VAT at excise tax sa petrolyo—pansamantalang relief ito para sa milyun-milyong Pilipino. Maging ang Department of Finance ay aminadong nakadagdag sa matinding inflation ang pagpapatupad ng TRAIN Law.
Sinabi pa ni Ramos na kailangang wakasan at ibasura na ang Oil Deregulation Law. “Dapat kontrolin ng gobyerno ang mga kumpanya ng langis at pigilan ang labis na pagkamal ng kita at tubo lalo sa panahong may tensyon sa pandaigdigang merkado, gaya ng nagaganap sa Gitnang Silangan, na nagpapataas sa speculative pricing ng mga produktong langis.”
“Dapat na rin na isuspend o itigil na ng gobyerno ang pagkamal ng buwis habang ibinabaon sa utang at gutom ang mamamayan. Dapat tumugon ang gobyerno sa krisis sa pagkain at agrikultura, at baligtarin ang mga polisiyang nagpapahirap sa masa,” pagtatapos ni Ramos.
