“VIP Rescue” para sa opisyal, kawalang-aksyon para sa OFWs kinondena

Mariing kinukundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagbibigay-prayoridad ng gobyernong Marcos sa kaligtasan ng mga opisyal nito sa Israel habang libu-libong overseas Filipino workers (OFWs), kabilang ang mga caregivers, ay nananatiling stranded at nasa panganib sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Ang 15 government officials mula DFA, DMW, at iba pang ahensya ay naiulat nang nakabalik ng Pilipinas matapos maipit sa kaguluhan sa Gaza border, habang walang malinaw na update sa lagay ng mga Pilipinong manggagawa roon.

Sa kasalukuyan, tinatayang may 30,000 legal na OFWs sa Israel at posibleng umabot sa 40,000 kabuuan kapag kasama ang undocumented na mga Pilipino. Samantala, sa Iran, may humigit-kumulang 1,000 Pilipino ayon sa datos ng 2021 .

“Laging inuuna ng gobyerno ang sarili nilang opisyal habang binabale-wala ang karaniwang mamamayan. Dapat OFW ang inuna sa paglilikas, hindi mga opisyal na may akses sa lahat ng seguridad,” ani Danilo “Ka Daning” Ramos, tagapangulo ng KMP.

“Muling nagpakita ng kulturang VIP at kapabayaan ang gobyerno. Habang sinasalba ang sarili nilang mga opisyal, pinababayaan ang mga Pilipinong manggagawa. Maliwanag ang prayoridad nila — sarili muna, mamamayan mamaya na,” ayon kay Danilo “Ka Daning” Ramos, tagapangulo ng KMP.

“Nasaan ang agarang repatriation plan?”
Nanawagan ang KMP sa kagyat na repatriation ng mga OFWs sa Israel, partikular ang mga manggagawang kababaihan na caregivers, domestic helpers, at iba pang nasa frontline ng panganib. Marami sa kanila ang naiulat na natutulog sa sahig ng mga shelters, walang sapat na pagkain, at walang malinaw na gabay mula sa Embahada ng Pilipinas.

“Dapat ipatupad agad ang humanitarian evacuation, magtalaga ng emergency hotlines, at magbuo ng malinaw na mekanismo ng proteksyon para sa mga Pilipinong naiipit sa mga gera sa labas ng bansa,” giit ni Ramos.

Ayon pa sa KMP, ang nangyari sa Israel ay repleksyon ng sistematikong pagpapabaya ng estado sa mga manggagawang Pilipino — sa loob man ng bansa o sa ibang bayan. Ang madalas na resulta: ang mga ordinaryong Pilipino ang naiiwang nagdurusa, habang ang mga may posisyon at kapangyarihan ang unang inililigtas.

“Ganito rin ang nangyayari sa mga magsasaka sa kanayunan — paulit-ulit na nalalagay sa peligro dahil sa kalamidad, militarisasyon, at gutom — pero walang konkretong tulong na nakukuha. Secondary citizens ang tingin ng gobyerno sa karaniwang Pilipino,” dagdag pa ng lider-magsasaka.

Nanawagan ang KMP sa administrasyong Marcos Jr. na agarang magpatupad ng mass repatriation efforts, ibigay ang sapat na ayuda at psychosocial support sa mga OFWs na maaapektuhan, at kondenahin ang teroristang gobyerno ng US-Israel sa panggegera nito sa mamamayang Palestino at Iranians. ###

Leave a comment