KMP kinondena ang Operation Lightning Strike; HIMARS, banta sa mamamayan at soberanya

Mariing kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang isinasagawang “Operation Lightning Strike” — isang joint military exercise ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa Palayan City, Nueva Ecija sa ilalim ng Salaknib Phase 2. Tampok sa nasabing war games ang paggamit ng US-made HIMARS (High Mobility Artillery Rocket System) at Apache attack helicopters.

Ayon sa KMP, ang patuloy na presensya ng mga tropang Amerikano at serye ng mga military drills sa Luzon ay patunay ng lalong lumalalim na panghihimasok ng Estados Unidos sa mga internal na usaping militar ng Pilipinas.

“Mapanganib ang mga war games na ito sa mga komunidad ng magsasaka, lalo na ang live-fire missile tests. Hindi ito para sa tunay na depensa o kapayapaan, kundi bahagi ng paghahanda ng US para sa giyera,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

Giit pa ng grupo, sa halip na pagtuunan ng pansin ang krisis sa bigas, taas-presyo ng bilihin at langis at kawalan ng tunay na reporma sa lupa, ay inuuna ng gobyerno ang pagpapasok ng dayuhang armas at tropa. Sa ganitong kalakaran, ginagawang testing ground at forward base ang mga probinsyang gaya ng Nueva Ecija, na pangunahing pinagkukunan ng bigas sa bansa.

Binatikos din ng KMP ang pagpayag ng gobyernong Marcos Jr sa papel ng Pilipinas bilang “unsinkable aircraft carrier” ng Estados Unidos sa tumitinding girian nito kontra China, na lalo lamang nagpapataas ng tensyon sa rehiyon, partikular sa West Philippine Sea.

“Pagkatapos ng malakihang Balikatan, tuloy-tuloy ang Kamandag, Kasangga, at Salaknib Phase 2 — magkakasalimbayang military exercises. Ginagawang base-militar ang ating bansa at inilalagay sa panganib ang buhay ng karaniwang mamamayan,” dagdag pa ni Ramos.

Nanawagan ang KMP sa mga lokal na opisyal at mamamayan ng Nueva Ecija na kondenahin ang Operation Lightning Strike at igiit ang pagpapalayas sa mga dayuhang tropa ng kanilang mga komunidad.

“Ang tunay na proteksyon ng bansa ay nakaugat sa kasarinlan, kapayapaan, at kaunlarang nakabatay sa kabuhayan ng mamamayan hindi sa dayuhang armas at war games,” pagtatapos ni Ramos. ###

Leave a comment