Mariing kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay sa mga bayan at lalawigan, kasabay ng malawakang pag-iimport ng bigas at pagpapatupad ng Rice Liberalization Law.
“Hindi lang kita ang nawawala sa magsasaka, kundi mismong kakayahang magtanim. Sa halagang P9 kada kilo ng basang palay, ni hindi mababayaran ang utang sa binhi, abono, at upa sa makina,” ayon KMP chairperson emeritus Rafael Mariano, dati ring DAR Secretary.
Ayon sa ulat mula sa Pangasinan, umaabot lamang sa Php9 hanggang Php10 kada kilo ang presyuhan ng wet o fresh palay habang ang dry palay ay bumaba sa Php14 kada kilo — kalahati ng presyo noong nakaraang taon. May mga mas mababa pa sa ilang bahagi ng Bulacan na sumadsad sa Php8 kada kilo.
“Habang ipinagmamalaki ng Malacañang ang mga ginagawa nito para umano sa agrikultura, paano mabubuhay ang magsasaka kung Php9 kada kilo lang ang bili ng palay sa kanila?” dagdag pa ni Mariano.
Nanawagan din ang KMP ng kagyat na pagbili ng palay ng National Food Authority (NFA) sa makatarungang presyo, at hindi pabigat na pautang o mga panibagong gimik.
“Tama na dapat may floor price ang presyo ng fresh palay. Pero walang itong magiging saysay kung hindi naman nabibili ang kanilang palay. Sa maraming bayan at barangay, wala namang rolling buying stations ang NFA o hindi agad naglalabas ng pondo ang NFA,” ayon naman kay Ronnie Manalo, Pangkalahatang Kalihim ng KMP. Katambal ng panawagang itaas ang presyo at itigil ang pambabarat ng presyo ng palay ang panawagang ibasura na ang Rice Liberalization Law.
Iginiit din ng KMP ang pagbabasura sa Rice Liberalization Law at pagpapanumbalik ng regulasyon sa industriya ng bigas upang maprotektahan ang lokal na produksyon.
“Habang bukas ang tarangkahan sa unlimited imported rice, tuluyang babagsak ang kabuhayan ng lokal na mga magsasaka. Sa bandang huli, hindi lang mga palayan ang mawawala kundi ang mismong seguridad sa pagkain ng bansa,” ani pa ni Manalo.
Sa kabila ng krisis sa presyo ng palay, nananatiling pangunahing prodyuser ng bigas ang Nueva Ecija, partikular ang bayan ng Guimba. Sa unang quarter ng 2023, nakapagtala ng 345,547 metric tons (MT) ng ani ng palay ang probinsya o katumbas ng 39.8% ng kabuuang produksyon sa Gitnang Luzon, kung saan galing ang 18.1% ng pambansang ani.
Nitong Hunyo, nagtayo ang NFA ng Php63.9 milyong Rice Processing System (RPS) II Facility sa Lungsod ng Muñoz, para umano serbisyuhan ang 6,000 magsasaka. Subalit, mahigit 19 kilometro ang layo nito sa Barangay San Roque at sa tinatayang 7,500 hanggang 15,000 magsasaka ng palay sa buong Guimba.
“Hindi sapat ang isang processing facility para tugunan ang pangangailangan ng daan-daang libong metrikong tonelada ng palay. Imprastruktura lang ito kung hindi mapipigilan ang pambabarat sa presyo ng palay at tunay na suporta sa magsasaka,” pagtatapos ni Manalo. ###
