Magbubukid na inaapi, binubuklod ng KMP!

Hulyo 1985 sa kasagsagan diktaduryang Marcos Sr., sa gitna ng panunupil at Batas Militar, naitindig ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pangunguna ng mga lokal na samahang gaya ng AMGL sa Gitnang Luzon, KARET sa Quezon, BCPAI sa Bicol, SFAN sa Negros, FIFA sa Iloilo, NAMASUN sa Surigao, at SOCOFA sa Cotabato, upang buuin ang pambansang kilusang magsasaka.

Mula noon, naging haligi ito ng mas malawak na demokratikong kilusan, tangan ang paninindigang ang lupa ay para sa tunay na nagbubungkal, hindi sa mga panginoong maylupa at dayuhang interes.

Sa pagdiriwang nito ng ika-40 anibersaryo, taas-kamao nating inaalala ang apat na dekada ng militanteng pakikibaka ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa, hustisyang panlipunan, at pambansang kalayaan.

Apatnapung taong iginugol sa paglalantad sa bulok na sistemang pyudal at makadayuhang kaayusan na nagpapahirap sa masang anakpawis.

Apatnapung taon ng maningning na pakikibaka, pagkakaisa, at pagpupunyagi.

Sa bawat pulong masa, sa bawat kilos-protesta, sa bawat paninindigan sa harap ng bulldozer o armalite man ng mga mapaniil, pinatunayan ng KMP na ang magsasaka ay hindi lang tagapaglikha ng pagkain, kundi tagahawan ng landas at tagapagtaguyod ng tunay na pagbabago sa lipunan.

Sa ating mga palad nakasalalay ang tunay na pag-unlad ng kanayunan. Sa ating pagpupunla, lilikahin natin ang pundasyon ng pambansang industriya.

Ang ika-40 anibersaryo ng KMP ay hindi lang paggunita sa kasaysayan, kundi panibagong panata — na patuloy tayong maninindigan para sa ating mga karapatan at makatarungang hangarin para sa tunay na reporma sa lupa.

Bunga ng determinasyon at paninindigan, ang ating mga tagumpay sa hinaharap ay magmumula rin sa mapagpunyaging pakikibaka; kasama ang mga manggagawa, at iba pang aping sektor.

Mabuhay ang ika-apatnapung anibersaryo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas!

Leave a comment