Habang naghahanda ang administrasyon ni Marcos Jr na ihayag ang kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), naghahanda rin ang mga magsasaka sa pangungu ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na dalhin sa mga lansangan ng Quezon City ang kanilang mga hinaing. Sa buong bansa, dumadaing ang mga magsasaka hindi lamang dahil sa lumalalim na krisis sa agrikultura at ekonomiya, kundi dahil din sa pinsalang dulot ng sunod-sunod na bagyo at malawakang pagbaha nitong mga nagdaang linggo. Wasak ang mga pananim at kabuhayan, lalo na sa mga lugar na nagtatanim ng palay at gulay sa Luzon, Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao. Gayunpaman, mabagal at kulang ang tugon ng gobyerno.
“Ang kapabayaan ni Marcos Jr mismo ang pinakamatinding kalamidad sa ngayon,”
ani Danilo Ramos, Tagapangulo ng KMP. “Habang lubog ang mga sakahan at nalulugi ang mga magsasaka, unang inatupag ni BBM ang sa pagbebenta ng bansa sa Estados Unidos,” dagdag pa ng lider ng KMP, na tumutukoy sa kamakailang pagbisita ni Marcos Jr kay Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos.
Huwad ang mga ipinagmamalaking tagumpay ng DAR sa repormang agraryo. Labis na pinapalaki ang mga umano’y tagumpay ni Marcos Jr sa reporma sa lupa. Mula 2022, may 195,000 titulo ng lupa na ipinamigay, ngunit 68% nito ay mula lamang sa paghahati-hati ng mga lumang kolektibong sertipiko sa ilalim ng SPLIT program na pinondohan ng World Bank. Hindi ito nagsama ng bagong akuisisyon ng lupa o nagbigay ng lupa sa mga magsasakang walang sariling sakahan.
Ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na mistulang isang malaking programang reporma, ay nagpapawalang-bisa lamang ng mga dating utang ngunit hindi tinanggal ang amortisasyon para sa mga benepisyaryo sa hinaharap. Sakop lamang nito ang 6% ng mga rehistradong magsasaka at bigong maresolba ang malubhang sigalot sa lupa.
Malayo ang aktwal na progreso: nasa 12% pa lang ang natatapos sa SPLIT at 14% sa NAEA. Tanging 28% ng mga parsela ng sakahan ang may ganap na pagmamay-ari, habang nadagdagan ng 1.2 milyong magsasaka ang walang sariling lupa sa nakalipas na dekada. Hawak na ngayon ng pinakamayayamang 1% ng mga may-ari ng lupa ang 30% ng lahat ng lupang pansakahan — malinaw na larawan ng monopolyo sa lupa at kawalang-lupa ng mga nagbubungkal.
Samantala, tuluy-tuloy ang land use conversion. Ang Gitnang Luzon, na dating kilala bilang “rice granary” ng bansa, ay ginagawang pangunahing lokasyon ng mga proyekto sa ilalim ng Build-Better-More, kabilang ang 9,450-ektaryang New Clark City na magpapalayas sa 35,000 magsasaka at mga komunidad ng Aeta. Ang 2,500-ektaryang Bulacan Aerotropolis ay apektado ang mahigit 700 pamilyang magsasaka. Maging ang mga proyekto sa renewable energy gaya ng floating solar farm ng SunAsia sa Laguna at wind farm ng Ayala sa Pagudpud ay lumalapastangan sa karapatan sa lupa. Pati mga lupang katutubo ay kinakamkam para sa mga proyektong ito at sa mga carbon offsetting scheme.
“Pinapalabas nilang para sa klima at kaunlaran ang mga proyekto. Pero ang totoo, para ito sa pangangamkam at pagpapalayas,” ayon kay Ronnie Manalo, Pangkalahatang Kalihim ng KMP.
Matagal nang iniwan ang pangakong bigas na P20 kada kilo. Ngayon, umaabot na sa Php44/kilo ang karaniwang presyo — mas mataas pa kaysa noong maupo si Marcos Jr. Umabot sa rekord na 4.8 milyong metriko tonelada ang inangkat na bigas noong 2024, at tinatayang aabot ito sa 5.4 milyon MT sa 2025. Sa kabila ng pagtaas ng gastos ng gobyerno sa bigas, nanatiling 19 milyong MT ang produksyon ng palay mula pa noong 2017.
Lumobo ang paggastos ng gobyerno sa bigas mula P7 bilyon tungong P32 bilyon taon-taon sa ilalim ng Rice Liberalization Law (RLL), ngunit patuloy ang pagkalugi ng mga magsasaka. Hawak ng mga importer at malalaking negosyante ang industriya. Noong 2024, ang 10 pinakamalalaking importer ng bigas ang responsable sa 40% ng kabuuang importasyon. May hawak ang mga komersyal na trader ng 56% ng kabuuang imbentaryo ng bigas — mula sa 39% dalawang taon ang nakalipas. Dahil sa pagdami ng importasyon, lumobo rin ang pagkalugi sa agrikultural na kalakalan sa P12 bilyon noong 2024.
Sa Bulacan, ang kita ng magsasaka ay umaabot lamang sa Php4,942 kada anihan o P55 bawat araw. “Hindi na makakain ng sariling ani ang mga magsasaka. Lugi sa tanim, lugi sa ani, lugi sa presyo,” ayon kay Ramos.
Patuloy ang pagbagsak ng lokal na agrikultura habang pabor ang estado sa malalaking negosyo. Sa lahat ng sektor ng agrikultura, bumababa ang produksyon habang tumataas ang importasyon. Simula pa noong 2010 ay bumaba na ang produksyon ng isda, at ang pag-asa sa imported na tuna at galunggong ay higit 20%. Pinapayagan na ring mangisda ang mga komersyal na bangka sa loob ng municipal waters, na nagpapalayas sa maliliit na mangingisda. Nanatiling mababa ang produksyon ng baboy kumpara sa antas bago ang ASF outbreak, habang 30% ng baboy sa bansa ay inaangkat.
Lumalalim ang krisis sa kabuhayan ng mga komunidad ng magsasaka. Sa Negros, umaabot lamang sa P82 kada araw ang kita ng mga manggagawang sakada. Sa mga munisipyo, nawawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda dahil sa pagpasok ng komersyal na pangingisda. Patuloy rin ang pagtaas ng pag-asa sa imported na isda at karne.
Sa kabila nito, winawaldas ang pondo ng bayan. Hawak ni Pangulong Marcos Jr ang rekord na P2 trilyong discretionary funds ngayong taon. Ang Maharlika Fund ay maglalaan ng US$100 milyon sa Charoen Pokphand, isang Thai conglomerate at pinakamalaking kumpanya ng feeds sa buong mundo. Samantala, ibinasura noong 2024 ang mga makasaysayang kaso laban sa mga Marcos at sa coco levy scam dahil sa “inordinate delay.” “Walang hustisya, walang pananagutan. Pera ng mamamayan, ipinamumudmod sa mga kasosyo ng Malacañang,” sabi ni Manalo.
Nagpapatuloy din ang terorismo ng estado, militarisasyon, at pagka-alipin sa mga dayuhan. Mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2024, 72% ng 119 kaso ng extrajudicial killings na naitala ng Karapatan ay mga magsasaka. Isang pamilyang magsasaka ang minasaker sa Negros. Isa pa ang sapilitang nawawala sa Sorsogon. Mahigit 3.7 milyong katao ang nakaranas ng banta, pananakot, at pambobomba sa militarisadong kanayunan.
Patuloy na ginagamit ang Executive Order 70 at NTF-ELCAC upang ituring na kalaban ng estado ang mga magsasaka at aktibista. Nananatiling sandata ng panunupil ang Anti-Terror Law. Sa taong ito, mahigit 6,000 mangingisda sa Zambales ang napilitang tumigil sa operasyon dahil sa pagbabawal sa pangingisda habang isinasagawa ang war games kasama ang U.S. “Sa ilalim ng huwad na kapayapaan, daan-daang magsasaka ang pinaslang, at milyun-milyon ang binomba, tinakot, at tiniktikan,” diin ni Ramos. “Hindi ito ‘bagong Pilipinas’ — ito ay bagong anyo ng pananakot at pandarambong.”
Pinapanawagan ng KMP at ng mga kaanib at alyadong organisasyon ang mga sumusunod:
– Agarang pagpasa ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) para sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang walang sinasakang lupa.
– Isang pambansang moratoryo sa land use conversion na nagpapalayas sa mga magsasaka at sumisira sa produksyon ng pagkain.
– Pagpawalang-bisa sa Rice Liberalization Law (RLL) na nagdulot ng pagtaas ng presyo at gastos sa produksyon habang pinayaman ang mga importer.
– Isang komprehensibong audit at imbestigasyon sa pondo ng agrikultura, kabilang ang RCEF, National Rice Program, at mga labis na taripa.
– Pagpasa ng Rice Industry Development Act (RIDA) bilang hakbang tungo sa pambansang kasapatan sa bigas.
– Pampublikong pangangasiwa sa Coco Levy Fund na matagal nang nababahiran ng korupsyon.
– Pagbawi sa mga anti-mangingisdang desisyon ng Korte Suprema tulad ng Mercidar Ruling.
– Pagwawakas sa mapagsamantalang sistemang pakyawan at pagpapatupad ng pambansang living wage para sa mga manggagawang bukid at seasonal workers.
Nananawagan din ang KMP sa sertipikasyon at pagpasa ng Human Rights Defenders’ Bill, kagyat na pagbabasura sa Anti-Terror Law, Executive Order 70, at NTF-ELCAC na nagtataguyod ng red-tagging, panunupil, at karahasan sa kanayunan.
Sa kalahating termino ni Marcos Jr, malinaw na tanging sama-samang pagkilos at paglaban ang sandigan ng mga magsasaka upang ipagtanggol ang kanilang karapatan at isulong ang kanilang mga kahilingan. “Sa ika-apat na taon ng panlilinlang ni Marcos Jr., lalaban ang mga magsasaka,” ani Manalo. “Magsasama-sama ang pinakamalawak na demokratikong pwersa sa loob at labas ng bansa upang singilin ang gobyernong Marcos sa malalaking kasalanan at pagkukulang nito sa bayan.”
Hinihikayat ng KMP at ng mga makabayan at progresibong pwersa ang lahat: magsasaka, manggagawa, kabataan, maralita, kababaihan, at mga tagapagtanggol ng karapatan—na makiisa sa malawakang kilos-protesta bukas!

𝐈𝐭𝐚𝐤𝐰𝐢𝐥 𝐚𝐧𝐠 𝐩𝐞𝐬𝐭𝐞, 𝐩𝐚𝐩𝐞𝐭, 𝐩𝐚𝐡𝐢𝐫𝐚𝐩, 𝐚𝐭 𝐩𝐚𝐬𝐢𝐬𝐭𝐚𝐧𝐠 𝐫𝐞𝐡𝐢𝐦𝐞𝐧𝐠 𝐔𝐒-𝐌𝐚𝐫𝐜𝐨𝐬ⵑ

𝐒𝐮𝐦𝐚𝐦𝐚 𝐬𝐚 𝐏𝐞𝐨𝐩𝐥𝐞’𝐬 𝐒𝐎𝐍𝐀, 𝐉𝐮𝐥𝐲 𝟐𝟖 𝐬𝐚 𝐂𝐨𝐦𝐦𝐨𝐧𝐰𝐞𝐚𝐥𝐭𝐡 𝐀𝐯𝐞.ⵑ
