Pakitang-tao ang rice import suspension! Si Marcos Jr., DA at Rice Liberalization Law ang dahilan ng krisis sa bigas — KMP

Sinabi ngayon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ang deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 60-days rice import suspension 60 simula Setyembre 1 ay desperadong hakbang para pagtakpan ang lumalalang krisis sa bigas na likha mismo ng kanyang mga patakaran, laluna ng pagpapatuloy at pagtatanggol sa Rice Liberalization Law (RLL) o RA 11203.

“Pakitang-tao lang ang 60-day rice import ban. Habang pinapaniwala ang taumbayan na may ginagawa para sa mga magsasaka, nananatiling umiiral ang Rice Liberalization Law — ang isa sa ugat ng pagbagsak ng kita ng mga magbubukid at pagtaas ng presyo ng bigas. Dapat na itong kagyat na ibasura,” pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

Hindi umano maitatago ng anumang “cosmetic policy reform” gaya ng pansamantalang import suspension ang mga ugat na dahilan ng krisis sa bigas— ang matagal nang pagkasadsad ng lokal na produksyon at agrikultura, pagbagsak ng farmgate prices ng palay, pagkalugi ng daan-daang libong magsasaka, at monopolyo ng iilang negosyanteng importer at rice trader o kartel sa suplay at presyo ng bigas.

“Habang nakatutok si Marcos sa pakikipag photo ops sa India, tuluyan nang nilalamon ng krisis sa bigas ang kabuhayan ng magsasaka. Nakatali ang lokal na industriya ng bigas sa leeg ng mga dayuhang bangko at rice cartel. Ang rice import suspension ay parang band-aid sa malaki at malalim na sugat na dulot ng mismong rice liberalization law na nagpabaha ng imported na bigas sa lokal na merkado,” pahayag naman ni Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng KMP at magsasaka mula sa Bulacan.

Ayon sa pananaliksik ng KMP kaugnay sa anim na taon ng implementasyon at pinsala ng RA 11203 or RLL:

> Nakapako at bumaba pa ang produksyon ng palay sa kabila ng bilyong pisong pondo. Mula 2018, nabawasan ng 200,000 ektarya ang sinasakang palayan.

> Bumagsak ang kita ng magsasaka ng halos Php6,268 kada ektarya, habang tumaas ang presyo ng bigas ng 17%.

> Lalong lumaki ang kontrol ng rice traders sa suplay at presyo, habang halos wala nang kakayahan ang NFA na direktang tumugon sa krisis.

> Dumoble ang importasyon habang kumonti ang bilang ng importers — pabor sa iilang dambuhalang kumpanya.

> Lalong lumala ang food insecurity sa bansa: umabot na sa 23% ang rice import dependency mula sa 14% noong 2018.

> Bumagsak ang lokal na rice milling industry — 6,000 ang nagsara, at 1,040 barangay ang nawalan ng rice/corn mills mula 2012 hanggang 2022.

Mula 2019 hanggang 2024, umabot sa mahigit Php133 bilyon ang nakolektang taripa mula sa imported rice, subalit hindi ito tunay na napakinabangan ng mga magsasaka. Sa halip, ito’y nauwi sa korapsyon, lump sum funds, at dagdag na utang, kabilang ang target na $1-B loan mula sa World Bank.

“Ang tunay na krisis sa bigas ay bunga ng malapyudal na krisis sa agrikultura. Patuloy na winawasak ang kabuhayan ng magsasaka habang pinapalobo ang kita ng mga komprador, rice cartel, at mga dayuhang tagapangutang. Kulang ang 60 days import suspension, dapat na talagang ibasura ang mismong Rice Liberalization Law,” dagdag pa ni Ramos.

Panawagan ng KMP ang kagyat na pagbabasura sa RLL, pagpapanumbalik ng regulasyon at kapangyarihan ng NFA, pagpapatigil sa dayuhang kontrol sa patakaran sa agrikultura, at pagpasa sa Rice Industry Development Act (RIDA) at Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Higit sa lahat, kailangang itaguyod ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang pundasyon ng kasarinlan sa pagkain.

“Ang walang tigil na krisis sa bigas ay krisis ng bulok na sistema. Walang aasahang solusyon sa gobyernong nagpapayaman sa mga negosyante at dayuhan habang ginugutom ang sariling magsasaka at mamamayan.” ### 

Leave a comment