


Sa gitna ng tumitinding bangayan ng mga Marcos at Duterte at labanan ng kampo ng kasamaan at kadiliman, dapat manaig ang tinig ng taumbayan. Sama-sama tayong kumilos para panagutin ang mga mandarambong, korap, at mapaniil sa ating bayan.
Lantad na lantad na sa publiko ang pangungurakot at paglulustay ni VP Sara “Inday Lustay” Duterte sa kaban ng bayan. Hinuli na ng ICC at nakakulong na sa The Hague sa The Netherlands si Rodrigo Duterte na mastermind ng mga extrajudicial killings sa “war on drugs,” at protektor ng mga sindikato ng droga at POGO sa bansa.
Sa kabila ng mala-teleseryeng pagdinig sa Kongreso, ilang buwan na pinatulog ng Senado sa pangunguna ni Chiz Escudero ang kasong impeachment ni Sara Duterte. Hanggang ngayon, hindi pa rin napapanagot si Inday Lustay sa garapalang pagnanakaw ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP).
Hindi dapat kalimutan at palampasin ng taumbayan ang kuwestiyonableng paggastos ni Inday Lustay sa P12.3 bilyong pondo noong siya ang nasa DepEd, kabilang ang P612.5 milyong confidential funds ng DepEd at P325 milyon sa OVP na hindi maipaliwanag kung saan napunta. Kasama dito ang P112 milyon na ginastos sa loob lamang ng 11 araw. Napakarami pang anomalyang nasilip sa DepEd kabilang ang P1.6 bilyong computerization at feeding program.
Sa kabila ng mga ebidensya, at kabilaang impeachment complaints laban sa kanya, arogante pa si Inday Lustay na minamaliit ang mga panawagang panagutin siya.
Sa tabing ng legal na teknikalidad, kinakampihan ngayon ng SC si Inday Lustay sa desisyon nitong labag umano sa Konstitusyon ang impeachment at hindi na maaaring maganap ang isang trial. Ginagawang mas mahirap ng Korte Suprema ang proseso ng pagpapapanagot sa mga nasa kapangyarihan.
Sa pangkalahatan, ang rehimeng US-Marcos Jr mismo ang pinakamalaking sagka sa pagpapanagot sa mga Duterte.
Kaya’t nananawagan tayo ng sama-samang pagkilos at malakas na pagtutol sa mga nais harangan ang proseso ng katarungan!
Sara Duterte, litisin at panagutin!
Labanan ang pangungurakot ng rehimeng US-Marcos!
Wakasan ang korapsiyon at bulok na pamamahala!










