Mariing kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang mga ibinulgar ni DPWH engineer Henry Alcantara sa Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa malakihang kickbacks, ghost projects, at “midnight insertions” sa badyet para sa mga flood-control at iba pang proyektong pang-imprastruktura sa Bulacan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ibinulgar ni Engr. Henry Alcantara ang malakihang anomalya sa mga flood control projects. Ayon sa kanya, mayroong sistematikong 20–30% “kickback” o proponent’s share na napupunta sa mga mambabatas at opisyal kapalit ng pag-apruba ng mga proyekto. Tinukoy niya ang P35 bilyong insertions mula 2022, kung saan 20% umano ang napunta kay Rep. Zaldy Co. Binanggit din niya sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, dating Sen. Bong Revilla, dating Rep. Mitch Cajayon, DPWH Usec. Roberto Bernardo, at COA Commissioner Mario Lipana bilang bahagi ng kanilang iskema. Aniya, ang mga pondong ito ay inilaan sa flood control projects pero malaking bahagi ang nauuwi sa “commission” at hindi sa aktuwal na imprastruktura.
“Matagal nang nagtitiis ang mga residente ant magsasaka ng Bulacan sa paulit-ulit na pagbaha, palpak at walay saysay na mga proyekto. Ngayon, pinatotohanan lang ni Alcantara ang matagal na naming isinisigaw — nilustay at ninakaw ng mga tiwaling pulitiko at opisyal ang bilyong pondo. Ibig sabihin, walang silang intensyon na solusyunan ang baha at protektahan ang ani at kabuhayan ng mga magsasaka,” pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.
Batay sa testimonya ni Alcantara, aabot sa P600 milyon ang iniuugnay kay Sen. Joel Villanueva, bukod pa sa daan-daang milyong pisong nakapunta umano kina Sen. Jinggoy Estrada, dating Sen. Bong Revilla, at Rep. Zaldy Co, sa pamamagitan ng mga iligal na insertion at kickback. Marami sa mga proyektong ito sa Bulacan ay lumabas na hindi natapos, gawa sa substandard na materyales, o tuluyang hindi naipatayo.
“Dapat maalis sa pusisyon, makasuhan ng graft and corruption at plunder at humarap sa hustisya ang mga nasangkot. Wala silang malasakit sa mga naghihirap na mga magsasaka. Habang nilalamon ng baha ang palayan at kabuhayan, walang mapaglagyan ng nakaw na yaman ang mga tiwaling pulitiko. Dapat silang managot, makasuhan at makulong. Hindi na dapat palampasin ang ganitong garapal na pandarambong,” giit pa ni Ramos.
Samantala, kinumpirma ng Nagkakaisang Magbubukid ng Malolos (NMM) at Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB) na ilang barangay at sakahan sa Bulacan ang direktang naapektuhan ng mga proyektong ito. Ayon sa kanila, paulit-ulit na nalulubog sa baha ang mga palayan at komunidad dahil sa mga diumano’y “ghost projects” na pinagkakitaan lamang ng Iilan.
“Hindi lamang pera ng taumbayan ang ninakaw, kundi pati ang aming kabuhayan at kinabukasan. Kailangang hustisyang tunay ang igawad sa mga magsasaka ng Bulacan,” ayon sa magkasanib na pahayag ng NMM at AMB.
Dagdag ng KMP, mananatili silang nakikipag-ugnayan sa mga komunidad ng magsasaka sa Bulacan at ibang probinsya para bantayan ang imbestigasyon at ipanawagan ang hustisya para sa mga biktima ng katiwalian at kapabayaan ng gobyerno. ###
