Pinakamatinding sinalanta ng Bagyong Opong ang isla-probinsya ng Masbate, kung saan dalawampung bayan pati na ang Masbate City ang direktang tinamaan ng malalakas na ulan at hangin. Sa Palanas at Milagros unang nag-landfall ang bagyo, na nagdulot ng matinding pinsala sa kabuhayan, pananim, at kabahayan ng libu-libong pamilya.
Batay sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense–Bicol, umabot sa 87,499 na indibidwal o 24,579 pamilya ang apektado sa rehiyon, karamihan ay mula sa Masbate. Marami sa kanila ang nasa evacuation centers habang ang iba naman ay nakikitira sa kanilang mga kamag-anak. Sa buong probinsya, halos lahat ay nawalan ng kuryente at komunikasyon. Nagsipagbagsakan ang mga puno at poste, nasira ang mga daan, at marami ring naitalang nasugatan at nasawi.
Sa ipinadalang situation report ng Kilusang Magbubukid ng Bicol at Tarabang para sa Bicol (TABI Inc.), sa bayan ng Milagros, tinatayang 3,443 bahay ang nasira habang 148 bangka ng mga mangingisda ang nawasak ng malalakas na alon. Sa bayan ng Mobo, mahigit 1,980 bahay ang wasak at 851 kabahayan na may 1,100 pamilya ang nalunod sa baha. Umabot din sa 3,186 pamilya ang nananatiling nasa evacuation centers. Sa Masbate City, nasa 499 pamilya o 1,971 indibidwal ang kasalukuyang nakasilong sa mga evacuation centers.
Malubha rin ang tinamong pinsala sa agrikultura. Nalubog sa baha at nasira ang mga taniman ng palay, mais, at gulay. Sa bayan ng Dimasalang, Masbate, nalubog at dumapa ang ekta-ektaryang palayan na hindi na mapapakinabangan ng mga magsasaka. Maraming niyugan din ang pinatumba ng malakas na hangin. Hindi rin nakaligtas ang mga mangingisda dahil sa pagkasira ng kanilang mga bangka at kagamitang pangdagat. Nagdudulot ng kawalan ng anti at kabuhayan ang pagsalantang ito libu-libong magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Ronnie Manalo, lider magsasaka ng KMP, “Maraming magsasaka ang umiiyak ngayon dahil nasira ang kanilang pananim at mga kabahayan. Nawalan na naman sila ng ani at kita ngayong taon, may utang pa sila. Panawagang mabigyan sila ng agarang tulong upang makabangon muli; hindi sapat ang pautang, nararapat ang sapat na ayuda at kompensasyon.”
Idineklara na state of calamity sa Masbate upang maipadaloy ang pondo para sa relief at rehabilitasyon. Ayon sa KMB, kabilang sa pinakakailangan ng mga taga Masbate ang pagkain, tubig, flashlight at emergency lights, hygiene kits, trapal, kumot at kulambo, gamit sa pagluluto, basic na mga gamot, at mga pangunahing pangangailangan ng mga bata at elderly. Malaki rin ang pangangailangan para sa mga housing materials upang muling maitayo ang mga nasirang tahanan.
Nanawagan ang KMP at Sagip Kanayunan ng agarang tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda ng Masbate. Dapat ring tugunan ang pangmatagalang rehabilitasyon ng mga irigasyon, kalsada, at pasilidad pang-agrikultura.
Binibigyang-diin ng KMP na ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda ang gulugod ng lokal na ekonomiya sa Masbate at dapat bigyan sila ng agarang atensyon at tulong upang muling maibangon ang agrikultura at kabuhayan matapos ang pananalasa ni Bagyong Opong. ###
