Sa mga nagdaang buwan, sumambulat ang sistematiko at malakihang pagnanakaw sa pera ng bayan. Nalantad ang matagal na nating alam: bilyun-bilyon ang binubulsa sa mga kickback, talamak ang ghost at substandard projects, at sangkot ang pinakamatataas na opisyal ng gobyerno.
Pero syempre, walang handang managot.
Kanya-kanyang turuan at hugas-kamay ang pinakamalalaking buwaya sa gobyerno. Ang iba, iniiwasang maungkat ang mga anomalya sa rehimeng Duterte. Ang iba naman, ayaw imbestigahan ang pinakamatataas na opisyal, o si Marcos Jr mismo. Lahat sila gusto lang nakawin at pakinabangan ang galit ng mamamayan laban sa korapsyon.
Hindi na ito bago. Sa nagdaang rehimen, nagtago sa likod ng pekeng “gera kontra-droga” ang pinakamalaking druglord. Ngayon naman, nagtutulak ng pekeng “krusada kontra-korapsyon” ang pinakamalaking magnanakaw. Ginawa lang nila ito para pahinain ang karibal nilang kapwa kriminal.
Pero malinaw sa atin: ang buong bulok na burukrata kapitalistang gobyerno at pamamayani ng mga dinastiya ang dapat wakasan at baguhin. At sino ang kasalukuyang punong magnanakaw sa gobyerno ng mga sindikato? Walang iba kundi ang nakaupong presidente at orihinal na nepo baby, si Marcos Jr mismo!
Siya mismo ang nagpalobo ng pondo para sa flood control. Ngayon ngang 2025, mas malaki pa ito kesa sa badyet ng DOH at Department of Agriculture!
Flood control – P254 bilyon
DOH – P232 bilyon
DA – P129 bilyon
Mula sa flood control budget, aabot sa P197 bilyon kada taon ang napupunta sa 60% kickback ng mga kurakot mula 2023 hanggang 2025. Kung nilaan ito sa NFA, 6.3 milyong tonelada sana ang nabili nitong palay ng magsasaka sa presyong P24/kilo, pati na ang pamamahagi ng mga dryer para sa lahat ng barangay!
Nasa kamay din ni Marcos Jr ang pinakamalaking pork barrel – ang presidential pork, sa anyo ng “unprogrammed appropriations”. Mga bahagi ito ng badyet na walang partikular na programa pero may perang nakalaan. Presidente mismo ang nag-aapruba nito. Dahil walang lista, wala rin itong pananagutan, at bukas sa korapsyon. Aabot ito sa tumataginting na P1.9 trilyon sa buong tatlong taon ng rehimeng Marcos Jr.
Habambuhay nang pinagnanakawan ng gobyerno ang magsasaka!
Ferdinand Marcos Sr: P70 bilyong Coco Levy Scam
Gloria Arroyo: P728 milyong Fertilizer Fund Scam at P38 bilyong Malampaya Fund Scam
Noynoy Aquino: P10 bilyong Pork Barrel Scam
Rodrigo Duterte: P5.6 bilyong overpriced fertilizers at muling-pagkakait sa P111 bilyong Coco Levy Fund
Bongbong Marcos Jr: P50 bilyong ng Landbank na nilipat sa Maharlika Wealth Fund, at pagbura sa P4 bilyong halaga ng mga kaso tungkol sa Coco Levy Scam
Bukod sa pondo, tinutulak din ng rehimeng Marcos Jr ang malakihang pagnanakaw sa lupa ng mga magsasaka at katutubo. Tinatago naman ito sa mga proyektong “pangkaunlaran”, “kontra climate change”, “renewable energy,” at iba pa.
Aabot sa 1.2 milyong ektarya ang target saklawin ng rehimeng Marcos Jr para sa mga mapanira, makadayuhan, at malalaking solar farms, wind farms, hydropower, atbp. proyektong renewable energy. Halos kasinglawak ito ng buong isla ng Palawan! Tinutulak ito sa pamamagitan ng mga pabor sa malalaki at dayuhang negosyo, gaya ng pagbabawas sa buwis, pag-aalis sa mga regulasyon, at iba pa. Kabilang na rito ang pagpapahintulot sa 99-taon “pag-upa” ng dayuhan sa kalupaan ng bansa. Nagreresulta ito ang pagpapalayas sa milyon-milyong maralitang Pilipino, pagkawasak ng kalikasan, at imperyalistang pandarambong.
Malalaking proyekto ng pagnanakaw sa lupa
6,652 ektaryang HAPI oil palm plantation ng Pamilyang Consunji sa Candoni, Negros Occidental
6,453 ektaryang “Eco-zones” sa Hacienda Luisita ng Aboitiz, Ayala Land, Tadeco, atbp. sa Tarlac
1,743 ektaryang Jalaur Megadam ng NIA sa Iloilo
Gaya sa pampublikong pondo, hangga’t walang tunay na reporma sa lupa at ang ating kalupaan ay nasa kamay at pakinabang lang ng iilan at dayuhan, mananatiling mailap ang ganap na kaunlaran sa sambayanang Pilipino.
Dapat ilantad at panagutin lahat ng nagnanakaw sa magsasaka at sambayanan.
Tayong mamamayan ang dapat makinabang sa pinaghirapan nating buwis at kaban ng bayan Ganun din sa lupa. Dapat pakinabangan at mapasakamay ito ng magsasaka at sambayanan, hindi ng iilan at dayuhan. Para rito, pinakamaaasahan natin ang ating mga kapwa maralita at Pilipino.
Nasa atin ang tunay na kapangyarihan. Nasisilip natin ito sa sunod-sunod at malawakang protesta. Hindi na mapigilanang matinding galit ng magsasaka at mamamayan sa bulok na sistema. Dapat lang natin itong ituloy-ituloy, palawakin, at palakasin – hanggang mabunot ang malalim na mga ugat ng kahirapan sa Pilipinas: ang burukrata kapitalismo, pyudalismo, at imperyalismo.
Makibaka, magpunyagi, magtagumpay!
Singilin at itakwil ang kurakot, pahirap, papet at pasistang rehimeng US-Marcos Jr!
