Presyo ng palay lalo pang bumagsak

Habang patuloy ang pinsalang dulot ng magkakasunod na bagyong Nando, Opong at Paolo sa mga palayan at taniman, lalo pang bumagsak ang presyo ng palay sa pinakamababa nitong antas ngayong taon. Sa ilang lugar sa Gitna at Hilagang Luzon, napaulat na sumadsad na sa P6 hanggang P10 kada kilo ang presyo ng palay. Ilan sa namonitor na presyo ng KMP ang mga sumusunod:

Presyo ng palay kada kilo:

Mallig, Isabela – P6.00
Alicia, Isabela – P7.00
San Mariano, Oriental Mindoro – P7.00
Talavera, Nueva Ecija – P6.00 – P7.50
San Ildefonso, Bulacan – P7.50
Gapan, Nueva Ecija – P9.00
Pangasinan P8.00 – P9.00
Aurora – P7.00
Bulacan (San Miguel) – P7.00-P8.00
Ilocos Norte – P8.00
Laguna – P9.00
Zambales – P9.00-P10.00
Camarines Sur – P10.00
Quezon province – P10.00
Nueva Vizcaya – P10.50-P11.00
San Manuel, Isabela – P10.00
San Quintin, Pangasinan – P10.00-P11.00
Pantabangan, Nueva Ecija – P10.50
Iloilo – P11.00
Palawan – P12.00
Bataan – P14.00

“Malawak ang naging epekto ng mga bagyo at pagbaha. Nalubog ang mga palayan, ang ibang mga nakapag-ani, nabasa pa rin ang kanilang inani,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)

“Sa sobrang baba ng presyo ng palay, hindi pa rin sasapat ang P17 na floor price na gustong ipatupad ng gobyerno. Hindi ito tunay na tulong. Sa totoo lang, lalo lang nitong gagawing legal ang pagbabarat sa presyo ng palay.”

“Kahit pa extended ang export ban hanggang Nobyembre, walang saysay kung wala nang aanihin at lugi na, may utang pa ang mga magsasakang nasalanta,” dagdag ni Ramos.

Ayon pa sa lider magsasaka, maliwanag na walang kongkretong aksyon mula sa Department of Agriculture at National Food Authority sa panahon na nalulugi ang mga magsasaka ng palay dahil sa mga bagyo at pagbaha. Kasabay nito, iginiit ng KMP na dapat busisiin kung saan mapupunta ang planong dagdag na P22-Billion sa badyet ng Department of Agriculture para sa 2026. Tanong ng mga magsasaka, nasaan ang tiyak at tuwirang pondo para sa subsidyo at kompensasyon sa mga nasirang pananim? Saan nakalaan ang pondo para sa price support, calamity assistance, at rehabilitasyon na direktang makikinabang ang maliliit na magsasaka?

Isa sa dahilan ng krisis ang Rice Liberalization Law na gusto ng gobyerno na amyendahan lang kahit pagbabasura nito ang panawagan ng mga magbubukdi. Hangga’t nakabukas ang ating merkado sa bagsak-presyong imported na bigas, hindi makakabangon ang magsasaka.”

Sa harap ng ganitong kalagayan, nananawagan ang KMP para sa pagtataas ng presyo ng palay sa antas na makatarungan at makakabawi ang mga magsasaka. Panawagan ay bilhin ang palay sa P20 pataas kada kilo. Hinihingi rin ang malinaw na line item sa national budget na tiyak na mapupunta sa subsidyo at kompensasyon para sa mga magsasaka.

“Luha, pawis at dugo ang ibinubuhos ng mga magsasaka ng palay. Hindi sapat ang pautang at limos na tulong. Ang kailangan ay tunay na suporta, hindi mga pangakong pondo na kukurakutin lang,” pagtatapos ni Ramos. ### 

Leave a comment