




Sa gitna ng malakas na ulan dulot ng bagyong Paolo, itinuloy ng KMP at Anakpawis Partylist ang Black Friday Protest laban sa matinding korapsyon. Habang ang nasasalanta ng kalamidad ang masa, bilyon-bilyong pondo ang nilulustay sa maanomalyang imprastraktura at flood control projects.
Gayundin, kinondena ng mga grupo ang nabunyag na pinayagan ni Marcos Jr. ang record-high na unprogrammed funds sa ilalim ng kanyang administrasyon —P807 bilyon noong 2024, higit tatlong ulit kaysa pinakamalaki sa ilalim ni Duterte. Sa 2025 budget, umabot pa sa P363 bilyon ang UA, kung saan P214 bilyon ay ibinuhos sa halos 4,000 proyekto ng DPWH. Ang ganitong malalaking pondo ay malinaw na pork barrel mismo ng Pangulo at nagsisilbing gatasan ng kurakot na pondo habang ang mga magsasaka, maralita sa lungsod, at mamamayan ay walang sapat na ayuda at ni walang kompensasyon sa panahon ng kalamidad.
Mariin ding tinutulan ng protesta ang Senate resolution na nagtataguyod ng House arrest kay Duterte sa halip na pananagutin siya sa International Criminal Court. Anila, malinaw na sabwatan ito ng kampo at mga kakampi ni Duterte upang iligtas ang isa’t isa sa pananagutan, habang walang hustisya sa mga biktima ng pamamaslang.
Pinatunayan ng Black Friday Protest na dapat panagutin ang mga tiwali at magnanakaw sa gobyerno, ibasura ang pork barrel at unprogrammed funds at panagutin ang mga Marcos at Duterte sa kanilang mga krimen sa bayan!
