“Green grabbing” pinalagan ng mga magsasaka, lupain ng bansa gustong gawing solar at wind farms ni Marcos Jr

Hindi lang pondo ng bayan ang ninanakaw sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Patuloy din ang pagnanakaw at tumitinding pang-aagaw ng lupa at pangwawasak sa kabuhayan ng mga magsasaka sa ngalan ng “renewable energy” at “green development.” Ito ang sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na binatikos ang paggamit ng mga proyektong tinatawag na “clean energy” bilang bagong mukha ng land grabbing at pang-aagaw ng lupa at likas-yaman ng bansa.

Sa pagtataya ng KMP batay sa mga inaprubahang Renewable Energy projects ng gobyernong Marcos Jr., halos 2.8 milyong ektaryang lupa ang sasaklawin ng mga projekto:

SOLAR FARMS
76,334 hectares para sa 65,148 MW potential at installed solar energy capacity

WIND FARMS (Offshore at onshore)
2,734,797 hectares para sa 120,437 MW potential at installed capacity

Ayon sa KMP, mula Cordillera hanggang Gitnang Luzon, at mula Laguna hanggang Negros, nagiging puntirya ng mga korporasyon ang mga lupang sakahan at lupang ninuno o ancestral lands para sa mga dambuhalang proyektong pang-enerhiya. Sa ilalim ng “clean energy scenario” ng PH Energy Plan 2023-2040, tinatarget ng gobyernong Marcos Jr. ang higit 46,000 ektarya ng lupain para gawing solar farms. Sa Cordillera, mahigit isang daang (100) dam projects ang nakapila simula pa 2015, habang may 20 pa sa Gitnang Luzon mula 2017. Sa Laguna Lake, inilunsad ang malawakang Floating Solar Project na sinasabing isa sa mga unang “tagumpay” ng Executive Order No. 18 ni Marcos Jr.— isang proyektong nagbabadya ng pagtataboy sa mga mangingisda at mamamayang nakatira sa paligid ng lawa.

Pinirmahan ni Marcos Jr ang EO 18 noong Pebrero 2023 upang pabilisin ang tinatawag na “strategic investments” kabilang na ang clean energy at green metals. Sa ilalim nito, pinayagan ang mga malalaking dayuhan at lokal na korporasyon na makapagtayo ng mga proyekto kahit walang sapat na konsultasyon o pahintulot ng mamamayan at mga komunidad. Hanggang Marso 2025, umabot na sa P4.6 trilyon ang kabuuang halaga ng mga proyektong aprubado sa ilalim ng EO 18, kung saan 68 porsiyento ng mga dayuhang pamumuhunan noong 2024 ay para sa renewable energy.

Sa Negros Island Region, na tinaguriang “Renewable Energy Capital” ng bansa, 95% ng kapasidad ng enerhiya ay mula sa renewable sources at halos kalahati rito ay solar. Gayunpaman, 80% ng konsumo ng kuryente sa isla ay mula pa rin sa mga planta ng coal at diesel sa labas ng Negros. Nariyan ang 176-ektaryang Helios Solar Power Plant sa Cadiz City at ang 160-ektaryang Calatagan Solar Farm, kapwa nagpalayas sa mga magsasaka mula sa kanilang mga sinasakang lupa habang patuloy na pinagkakakitaan ng mga dayuhang kumpanya.

Kasabay ng mga ito, ipinasa ng rehimeng Marcos ang 99-year Foreign Land Lease Act (RA 12252) at isinusulong ang National Land Use Act na magbibigay ng pangmatagalang karapatan sa mga dayuhan na gamitin ang lupain ng Pilipinas. Isinusulong din ng RA 11995 o PENCAS at mga panukalang batas sa carbon market na ginagawang kalakal ang mismong kalikasan. Sa ilalim pa ng mga programang utang gaya ng US$1 bilyong World Bank-DA Philippine Sustainable Agriculture Transformation at US$147 milyong International Fund for Agricultural Development at DAR Value Chjain for Sustainable Transformation in Agricultural Reform Communities Project, lalo pang itinatali ang agrikultura ng bansa sa utang, dayuhang pamumuhunan, at kontrol ng mga malalaking kapitalista.

Habang ipinagmamalaki ng gobyerno ang “green transition,” nananatiling 56% ng kabuuang enerhiya ng bansa ay mula pa rin sa langis at uling o coal, at 78% ng elektrisidad ay patuloy na ginagawa ng mga planta ng fossil fuel. Sa katotohanan, ginagamit lamang ang renewable energy bilang panabing sa tuloy-tuloy na pang-aagaw ng lupa at kabuhayan ng mga mamamayan.

Ipinananawagan ng KMP ang kagyat na pagpapatigil ng lahat ng proyektong renewable energy na nagreresulta sa land grabbing at dislokasyon ng mga magsasaka at katutubo. Dapat ibasura ang EO 18 at iba pang kontra-magsasakang batas, at igiit ang karapatan ng mamamayan sa lupa at likas-yaman. Ang tunay na kaunlaran ay nakabatay sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, hindi sa dayuhang kontrol at pekeng “green solutions.”

Ang panawagan ng mga magsasaka: lupa para sa pagkain, hindi para sa dayuhang kita at tubo. Labanan ang “green land grabbing” at ipaglaban ang lupa, kabuhayan, at patrimonya ng sambayanang Pilipino.

#PeasantMonth2025
#OctoberPeasantMonth

Leave a comment