Kababaihang magbubukid, magkaisa laban sa korapsyon at kawalan ng lupa!

Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Magbubukid, itinatampok natin hindi lamang ang lakas at kakayahan ng kababaihan sa kanayunan, kundi pati ang kanilang matatag na paninindigan laban sa mga ugat ng kanilang kahirapan: ang pananalasa ng kawalan ng lupa.

Ngayong sumisingaw ang mga kasong pagdambong ng mga opisyal ng pamahalaan sa kaban ng bayan, ang mga kababaihang magbubukid naman ay mga pangunahing biktima rin katiwalian at kapabayaan ng estado. Habang tumataba ang bulsa ng mga tiwaling opisyal sa pamamagitan ng unprogrammed funds at presidential pork barrel, nananatiling gutom at baon sa utang ang mga pamilya sa kanayunan. Sa halip na subsidyo, ghost flood control projects at mga overpriced farm-to-market roads ang ipinagmamalaki ng pamahalaan.

Habang lumalalim ang krisis sa klima, patuloy namang iniiwan sa pagkalugmok ang mga biktima ng bagyo, tagtuyot, at pagbaha. Walang sapat na kompensasyon para sa mga magsasakang nalugi, walang kongkretong programa para sa kanilang rehabilitasyon. Sa halip, pinapahintulutan ng gobyerno ang pagdagsa ng imported na bigas na sumisira sa kabuhayan ng mga lokal na magbubukid habang lalo pang bumababa ang farm gate price ng palay.

Kailangang magkaisa ang kababaihang magbubukid laban sa korapsyon at sa mga patakarang unti-unting pumapatay sa agrikultura at sa ating karapatan sa lupa. Walang solusyon sa krisis na magmumula sa mga bulok at mandarambong na pamahalaan– sapagkat sila mismo ang ugat ng pagkakait ng lupa at kabuhayan sa mga magsasaka. Tanging sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon maitataguyod ang isang lipunang malaya sa gutom, kahirapan, at pang-aapi.

#PeasantMonth2025
#OctoberPeasantMonth

Leave a comment