P6.7 Trilyong 2026 National Budget, pork barrel at badyet sa korapsyon ni Marcos Jr

Mariing kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang P6.7 trilyong 2026 pambansang badyet na tinawag nitong anti-magsasaka, anti-mamamayan, at batbat ng korapsyon. Ipinasa ng mababang kapulungan ng Kongreso ang badyet ngayong araw. Ayon sa grupo, gagastusan ng bagong badyet ang nagpapatuloy na tiwaling pork barrel system sa kabila ng naglalakihang kaso ng pandarambong sa mga proyekto ng imprastraktura sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

“Habang naghihirap ang mga magsasaka at mamamayan sa kawalan ng lupa, kawalan ng kompensasyon at serbisyong panlipunan, patuloy ang bilyon-bilyong pondong nakalaan sa pork barrel, confidential funds, at pondo para sa political patronage,” ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos. “Ito ang pinakamatinding manipestasyon ng bulok at korap na sistema ng pamumuno ni Marcos Jr.”

Ayon pa sa KMP, halos P696 bilyon ang nakapaloob na Presidential at Congressional pork barrel sa badyet. Kabilang dito ang P243 bilyong Unprogrammed Appropriations na ginamit noong mga nakaraang taon para pondohan ang libu-libong ghosts at overpriced flood control projects, at P10.9 bilyong Confidential and Intelligence Funds at P4.5 bilyon dito ay direkta sa Office of the President. Nanatili rin ang P8 bilyon para sa NTF-ELCAC, na ginagamit sa paniniktik at pandarahas sa mga komunidad ng magsasaka.

“Habang walang sapat na pondo para sa irigasyon, subsidyo sa produksyon, at support price para sa palay, binubusog naman ng rehimeng Marcos Jr. ang pondo para sa kanyang mga alyado at militaristang programa,” dagdag ng KMP. “Hindi para sa mamamayan ang badyet na ito kundi para langsa konsolidasyon ng korapsyon at pampulitikang kontrol.”

Giit ng KMP, dapat tuluyan nang buwagin ang pork barrel system at panagutin ang mga opisyal na sangkot sa halos trilyong pisong pandarambong. Sa Oktubre 21, kasama ang mga magsasaka sa mangunguna sa mga protesta laban sa korapsyon at para sa tunay na reporma sa lupa at tunay na pagbabago. ### 

Leave a comment