




“Habang hindi makapag-pagamot ang mga magsasaka at katutubo, bilyon ang nilustay sa DOH Ghost Health Centers”
Mariing kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang panibagong isyu ng korapsyon naman sa Department of Health (DOH) kung saan daan-daan sa mga itinayong “super health centers” ang mga ghost projects o mga pasilidad na hindi man lang operational o hindi binuksan. Habang ginagawang gatasan ng mga tiwaling opisyal ang pondo ng bayan, libu-libong magsasaka at katutubo sa kanayunan ang walang access sa mga batayang serbisyong medikal o kahit gamot mula sa barangay health centers
Ayon sa mismo sa ulat ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), sa 878 super health centers na pinondohan ng DOH mula 2021, nasa 300 ang nananatiling hindi operational, 365 pa lamang ang nasa iba’t-ibang yugto ng konstruksyon, at 17 ang partially-operational. Nasa 196 pa lamang ang tunay na nakapagsisilbi sa publiko. Iniulat din ng Commission on Audit na may hindi bababa sa P11.5 bilyong halaga ng mga proyekto ng DOH ang hindi natapos o nai-turn over sa itinakdang panahon at naging daang-daang “ghost facilities” na hindi nagagamit.
“Habang nilulustay ng DOH ang pondo sa mga ghost health centers, walang maipambili ng gamot, walang pampakonsulta sa doktor, at ni walang klinika sa kanilang mga baryo. Nilalamon ng korapsyon ang pera ng bayan na dapat sana ay nagliligtas ng buhay,” ani Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng KMP.
Sa mga liblib na barangay ng Negros Occidental, Mindoro, Quezon, at iba pang rehiyon, nananatiling malayo at kulang ang serbisyong pangkalusugan. Sa maraming pagkakataon, kailangang bumiyahe ng ilang oras o tumawid ng bundok ang mga magsasaka para lamang makapagpa check-up. “Daan-daang ghost health centers ang natuklasan ng COA. Dito pa kami nakapagpa-check up sa Kampuhan ng Magsasaka, salamat sa mga volunteer doctors, mga nurse at health students na tunay na naglilingkod sa mamamayan,” ayon kay Danilo Tabura ng KMP–Negros.
Kaugnay nito, pinasalamatan ng KMP ang UP Academic Employees Union at mga estudyante mula sa Philippine Nursing Students’ Association (PMSA) na nagsagawa ng medical mission sa Kampuhang Magsasaka para sa Lupa at Laban sa Korapsyon. Sa kanilang inisyatiba, nakatanggap ng libreng check-up, libreng gamot, at libreng salamin sa mata, mga serbisyong matagal nang dapat naibibigay ng gobyerno.
Habang umiiral ang sistematikong korapsyon sa DOH at buong gobyerno, maraming magsasaka ang mamamatay na hindi man lang nakakakita ng doktor o nakakapagpakonsulta sa health centers,” dagdag pa ni Manalo.
Nanawagan ang KMP para sa agarang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga opisyal ng DOH at mga lokal na pamahalaang sangkot sa mga ghost health center projects. Dapat ibalik sa mamamayan ang pondong ninakaw sa serbisyong pangkalusugan para sa kanayunan, at palakasin ang mga pampublikong ospital at rural health units sa mga baryo ng magsasaka at katutubo.
