Mga magsasaka nanawagang ilabas na ng mga Villar ang kanilang SALN

Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa magkapatid na Senador na sina Mark Villar at Camille Villar na isapubliko ang kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) sa gitna ng patuloy na isyu ng korapsyon sa gobyerno at ng hindi maikakailang pagyaman ng kanilang pamilya. “Dapat tugunin ng lahat ng Kongresista at Senador ang lumalakas na panawagan ng mamamayan para sa transparency at pananagutan sa pamahalaan at hindi exempted dito ang mga Villar.”

Ayon kay Ronnie Manalo, Secretary-General ng KMP, malinaw na ang ng SALN ay paraan upang takpan ang napakalaking agwat ng yaman sa pagitan ng mga nasa poder at ng mamamayan.

“Habang gutom, walang lupa, at lumulubog sa utang ang mga magbubukid, bilyon-bilyon ang kinikita ng mga Villar mula sa negosyo ng lupa at pabahay. Dapat ipakita nila kung magkano talaga ang kanilang yaman at saan ito nanggagaling,” pahayag ni Manalo.

“Hindi pribado ang SALN laluna sa mga elected officials at kawani ng gobyerno. Karapatan ng mamamayan na malaman ang SALN ng mga Senador at pati ng Pangulo. Ilabas na nila ito ngayon,” dagdag pa niya.

Batay sa pinakahuling ulat, walong Senador pa ang hindi nagsasapubliko ng kanilang SALN. Kabilang dito sina Alan Peter Cayetano, Bato dela Rosa, Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Mark Villar, at Camille Villar.

Batay sa mga ulat at datos mula sa mga kumpanyang kontrolado ng pamilya Villar, patuloy ang pagtaas ng kanilang yaman noong 2024:

Vista Land & Lifescapes, Inc.: kumita ng P9.36 bilyon noong 2024, tumaas ng 11% mula 2023.

Golden MV Holdings Inc. (dating Golden Bria): nagtala ng P999.7 bilyon na kita noong 2024, bunsod ng fair value gains sa mga ari-ariang pagmamay-ari ng kumpanya.

Ayon sa Forbes (2024), si Manuel Villar Jr., ama nina Mark at Camille, ay may net worth na US$11 bilyon o mahigit P628 bilyon, na nagpapanatili sa kanya bilang pinakamayamang Pilipino.

“Habang lumolobo ang kita ng kanilang mga negosyo, lalo namang naghihirap ang mga magsasaka at maralita. Dapat ay magpaliwanag sila sa taumbayan kung paanong nagiging mas mayaman ang kanilang pamilya habang patuloy na naghihirap ang bansa,” giit ni Manalo. Tiyak na ginagamit nila ang kanilang pusisyon sa gobyerno laluna si Mark Villar na naging dating DPWH Secretary.

Hinimok ng KMP ang Office of the Ombudsman at Kongreso na ipatupad nang mahigpit ang Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na nag-uutos ng regular, tapat, at pampublikong pagsumite ng SALN.

“Hindi pwedeng doble ang pamantayan. Kung ang maliliit na kawani ng gobyerno ay kailangang magpaliwanag sa kanilang SALN, mas lalong dapat gawin ito ng mga dinastiya at conglomerate tulad ng mga Villar,” pahayag ni Manalo.

#KorakotManagot
#StopKorap

Leave a comment