Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ang desisyon ng administrasyong Marcos Jr. na ilipat sa Department of Agriculture (DA) ang pamamahala sa programang Farm-to-Market Roads (FMR) simula 2026 mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay posibleng magresulta sa “recycling ng korapsyon” at magpapatuloy lamang ang katiwalian at palpak na paggamit ng pondo para sa mga magsasaka at agrikultura
Tinawag din ng KMP na pampabango sa imahe ng gobyerno at ni Marcos Jr ang hakbang dahil sa pagkamuhi ng taumbayan at publiko sa DPWH dahil sa mga nalantad na malalang korapsyon sa flood-control projects.
Batay sa mga pagdinig sa Senado nitong buwan, umabot umano sa higit P10.3 bilyon ang nalulustay sa mga overpriced, unfinished, at ghost Farm-To-Market Roads. Gaya sa Leyte, ang isang proyekto sa Barangay San Roque ay umabot sa P100 milyon para lamang sa 0.287 kilometro ng kalsada, katumbas ng higit P348,000 bawat metro o 23 beses na mas malaki kaysa sa karaniwang presyo.
Sa Mindanao naman, natuklasan ng DA ang mga “ghost project” na nagkakahalaga ng P75 milyon, kung saan iniulat na natapos na ang mga kalsadang hindi naman talaga naipatayo.
Sa harap ng mga eskandalong ito, inanunsyo ng gobyerno na ang DA na ang mamamahala sa mga FMR project simula 2026, kalakip ng humigit-kumulang P16 bilyong pondo para sa mahigit isang libong kilometro ng kalsada. Layunin umano ng hakbang na ito na “mapahusay ang transparency, accountability, at monitoring” ng mga proyektong pang-imprastruktura sa kanayunan.”
Ngunit sa pagsusuri ng KMP, kaya ng DWPH, hindi rin katiwa-tiwala ang DA upang pangasiwaan ang malaking pondo ng FMR program dahil batay mismo sa mga ulat ng Commission on Audit (COA) at Ombudsman, may mahabang kasaysayan din ito ng korapsyon at kapabayaan. Kabilang dito ang Fertilizer Fund Scam noong 2003 hanggang sa NFA rice stock anomaly noong 2024, paulit-ulit nang napatunayan ang mga problema sa pamamahala ng pondo sa loob ng DA. Noong 2020, nakita din ng COA na higit P32 bilyon sa pondo ng DA ang may depektibong mga dokumento o hindi maipaliwanag na paggasta. Bukod dito, ilang opisyal ng National Food Authority sa mga kasong pandarambong at iligal na pagbebenta ng bigas.
Ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos, malinaw na hindi solusyon ang paglilipat ng FMR program mula sa DPWH patungo sa DA dahil pareho lamang itong mga ahensiyang may matagal nang rekord ng katiwalian. “Kung DPWH ang bastyon ng korapsyon, ang DA naman ay may mahabang listahan ng mga anomalya: mula sa fertilizer fund scam, hanggang sa smuggling at pandarambong sa NFA. Pareho ang resulta nito: pera ng magsasaka at agrikultura, nauuwi sa bulsa ng mga tiwaling opisyal,” ani Ramos.
Para sa mga magsasaka ay ang solusyon ay hindi basta paglipat ng ahensya, kundi ang pagtatatag ng mekanismong nagbibigay ng aktibong partisipasyon ng mga komunidad at organisasyon ng magsasaka sa pagplano, pagpapatupad, at pagmonitor ng mga FMR project.
“Ang mga FMR, sa tunay na esensya, ay dapat magsilbing tulay ng mga produkto ng magsasaka patungo sa merkado, hindi pondo sa bulsa o farm-to-pocket roads ng mga tiwaling opisyal. Dagdag pa ng grupo, ang mga proyektong FMR ay dapat tunay na maglingkod sa mga magsasaka, hindi maging gatasan ng mga politiko at kontraktor,” pagtatapos ng pahayag ng KMP.
Kaugnay nito, sinusuportahan ng KMP ang House Resolution No. 421 na isinampa ng Makabayan representatives kaugnay sa imbestigasyon ng maanomalyang FMRs.
#PeasantMonth2025
#OctoberPeasantMonth
#KorakotManagot
#StopKorap
