Cebu, nalubog sa baha sa kabila ng daan-daang flood control projects

Nalubog sa hanggang bubong na tubig-baha ang maraming bahagi ng Cebu matapos ang pananalasa ng bagyong Tino (international name Kalmaegi) at ilang araw na malakas na pag-ulan. Pangalawa sa Bulacan ang Cebu sa may pinakamaraming flood control projects sa bansa.

Ayon sa mga ulat, libu-libo ang inilikas at marami ang napilitang umakyat sa bubong ng kanilang mga bahay sa Cebu City, Mandaue at Lapu-Lapu City habang rumagasa ang tubig dahil sa torrential rainfall. Sa barangay Bacayan, Cebu City, nasa 12 ang iniulat na nasawi matapos rumagasa ang tubig mula sa bundok. Nag landfall ang bagyong Tino sa Borbon, northern Cebu nitong madaling araw ng Martes at nagbuhos ng halos 185 milimetrong ulan o katumbas ng isa at kalahating buwan na ulan ayon sa PAGASA. Nagdulot ito ng malawakan at mapaminsalang pagbaha sa Metro Cebu, kabilang ang mga syudad ng Cebu, Talisay, Mandaue, at mga bayan ng Consolacion at Liloan.

Nanawagan ang KMP na sa pagbubukas muli ng hearing ng ICI, ipatawag ang mga contractor ng mga flood control projects sa Cebu at mga opisyal ng DPWH Region 7.

“Nakikiramay kami sa lahat ng biktima ng pagbaha sa Cebu, Negros, Southern Leyte at iba pang probinsya. Kailangan nating magtulungan upang makabangon mula sa sakuna ang ating mga kababayan. Lalong kailangan nating singilin ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa buong Cebu. Magpaliwanag sila kung saan at paano ginamit ang bilyun-bilyong pondo, bakit may P7.3 bilyon sa isang distrito lang, pero patuloy pa rin ang pagbaha? Malala ang pag-ulan at pagbaha dahil sa Tino, pinalala pa ng mga ghost, substandard at hindi natapos na flood control projects.”

Batay sa datos, nasa 414 ang flood control projects sa buong probinsya. Sa 6th District ng Cebu (Lapu-Lapu City, Mandaue City, Consolacion, Cordova) mayroong P7.3 bilyon na flood control projects mula 2022–2025 kasama ang 87 proyekto. Ang buong probinsya ay nabigyan ng P25.521 bilyon para sa flood-control projects para sa 2022–2025 at sa Cebu City lang, umabot sa P3.8 bilyon ang nagastos para sa higit isandaang Department of Public Works and Highways flood control projects simula sa termino ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. 

Leave a comment