






Tumitindig ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kasama ang iba’t ibang sektor at progresibong grupo, sa panawagang pagbibitiw ng haring korap na si Bongbong Marcos at reynang korap na si Sara Duterte. Tama na ang pagtuturuan at paglilipat-lipat ng sisi: ang kailangan ay pananagutan. Ang kailangan ay hustisya na makakamit lamang sa pagwawakas ng sistemang naghahari ang mga kurakot.
Sa administrasyong Marcos, lumalabas na siya mismo ang sentro ng malalimang katiwalian sa loob ng gobyerno. Sa kaso ng National Expenditure Program (NEP), Naituro na ni Zaldy Co na mismong si Marcos ang nag-utos ng paglalagay ng humigit-kumulang P100 bilyong “insertions” sa badyet para sa 2025: mga proyektong ipinuwesto at ipinilit, karamihan sa DPWH, para sa pampulitikang konsolidasyon at pribadong interes. Ngunit di pa man lumalabas ang ekspose na yun, nakaturo na talaga ang pananagutan kay Marcos Jr. sa pagkakaroon ng malalapit na alyadong contractors na nagbigay ng suporta sa kanya noong nakaraang eleksyon. Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, umabot pa sa P213.8 bilyon noong 2023 hanggang 2024 ang inilaan sa “unprogrammed funds” na halos walang transparency, hindi dumaraan sa malinaw na pagsusuri, at madaling nagiging daluyan ng kickback. Sa ilalim ni Marcos, ang NEP ay hindi naging direksyon ng pambansang kaunlaran: naging blueprint ito ng sistematikong pandarambong.
Si Sara Duterte naman ay matagal nang inuusig dahil sa alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds sa OVP at DepEd – mga pondong ginastos nang walang sapat na dokumento, may mga resibong may maling petsa at mga pangalang hindi matunton sa PSA, at mga transaksyong hindi maipaliwanag ng kanyang opisina, kabilang na ang halos P16 milyong ginastos umano sa loob lamang ng labing-isang araw. Lalo pang umalingasaw ang iregularidad sa P15.54 milyong confidential fund sa panahon na siya ay DepEd secretary maging ang mahigit P2 bilyong “unexplained wealth” sa kanyang SALN. Sa katunayan, naging matibay na mga batayan na ito sa kanyang impeachment, ngunit naging hadlang naman si Marcos Jr. sa pag-usad nito sa conviction, sa kanyang pagtatangkang magkaroon ng “matiwasay” na pag-aayos sa bahagi ng dalawang naglalakihang pampulitikang paksyon.
Hindi ito magkahiwalay na mga pangyayari. Ang mga Marcos, Duterte, ay parehong mukha lang sa harap ng taumbayan: kumikilos bilang magkakabit-kabit na makinarya ng korapsyon at isang dinastikong axis na kinokontrol ang pambansang badyet, maging ang estado sa pangkabuuhan para sa kanilang mga interes.
Kaya’t malinaw ang panawagan: hindi lamang magtatapos sa pagbibitiw kundi pagwawakas ng sistemang pampulitikang naghahari sa pamamagitan ng nakaw, panlilinlang, at pasismo. Kailangan itatag ang transition council, at maging tungtungan para sa isang pamahalaan na pinamumunuan ng taumbayan.
Ang masa at mga magsasaka – lahat ay may iisang sigaw: MARCOS-DUTERTE, RESIGN!
