Mariing nananawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa sambayanang Pilipino laluna sa mga magsasaka na masusing bantayan at singilin ang Department of Agriculture (DA) sa pagpapatupad ng farm-to-market road (FMR) projects, kasunod ng paglulunsad ng online portal ng DA na FMR Watch.
Ayon sa KMP, hindi maikakaila na ang FMRs ang isa sa pinakamatagal at pinakapalasak na proyektong pinagmumulan ng korapsyon sa kasaysayan ng burukrasya sa agrikultura – mula sa mga kalsadang hindi natatapos, kalsadang madaling masira, mga kalsadang hindi dumadaan sa sakahan, hanggang sa mga “ghost roads” na nasa mga dokumento lang.
“Sa loob ng ilang dekada, ang FMRs ang naging awtomatikong gatasan ng mga pulitiko, kontratista, at tiwaling opisyal ng gobyerno. Bago pa ang mga flood control projects at dike, ang FMRs ang orihinal na proyekto ng pandarambong sa agrikultura kung saan malaki ang pondo, walang accountability at laging ang magsasaka ang talo,” pahayag ng KMP.
Binigyang-diin ng grupo na ang ipinagmamalaking P76.52 bilyong ginastos sa mahigit 4,800 FMR projects mula 2021 hanggang 2025, at ang karagdagang P33 bilyon sa 2026, ay lalong naglalagay ng mabigat na pananagutan sa DA. “Sa laki ng pondong ito, walang puwang ang mga palpak, substandard, at huwad na mga proyekto kaya dapat tayong magbantay dahil malamang na maging farm-to-pocket roads ito,” diin ng KMP. Para sa KMP, ang FMR Watch ay hindi dapat maging deodorizer at pampalubag-loob sa publiko.
“Kung seryoso ang DA sa sinasabingtransparency, dapat nitong ilantad hindi lang ang mga mapa at litrato ng mga proyekto, kundi pati ang mga pagkukulang, anomalya, at pangalan ng mga responsable sa proyekto mula pambansa hanggang lokal na antas,” giit ng grupo.
Binatikos din ng KMP ang paulit-ulit na paggamit sa FMR bilang diumano’y solusyon sa kahirapan sa kanayunan, habang walang tunay na reporma sa lupa, seguridad sa pagkain, at pambansang industriyalisasyon. “Kahit gaano kahaba ang kalsada, kung baon sa utang ang magsasaka at kontrolado ng kartel ang ani at presyo, wala tunay na kaunlaran,” paliwanag ng KMP.
Hinikayat ng grupo ang mga magsasaka, mangingisda, lokal na komunidad, midya, at mga organisasyon na aktibong gamitin ang FMR Watch portal at ihambing ang datos nito sa aktwal na kalagayan sa kanayunan. “Puntahan at mag-inspeksyon tayo sa mga kalsadang ipapagawa ng DA. Ang tunay na pagbabantay ay nasa kamay ng mamamayan,” babala ng KMP.
Sa pagtatapos, iginiit ng KMP na ang pondo ng bayan ay hindi dapat malustay sa pandarambong. “Hindi sapat ang pangakong transparency. Ang kailangan ay pananagutan, parusa sa mga kurakot, at tunay na pagbabago sa patakaran. Hangga’t ginagamit ang FMRs para sa korapsyon, patuloy naming lalabanan at ilalantad ang kabulukan nito,” pagtatapos ng KMP.
