Mariing tinuligsa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang nagpapatuloy na lingguhang oil price hike (OPH) na lalong nagpapabigat sa pasanin ng mamamayan. Sa halip na pigilan, tahasang hinahayaan at kinukunsinti ng Department of Energy (DOE) at ng Malakanyang ang walang habas na taas-presyo ng mga kumpanya ng langis, patunay ng kanilang kainutilan at kawalan ng malasakit sa sambayanan. Inanunsyo na simula bukas, Pebrero 10, panibagong dagdag na naman sa presyo kada litro na P0.60 sa gasolina, P1.00 sa diesel at P0.60 sa kerosene.
Sa tala ng KMP, mula Enero hanggang Nobyembre 2025, umabot na sa P16 kada litro ang kabuuang itinaas ng presyo ng gasolina at P19 kada litro sa diesel. Sa halip na umaksyon, nanatiling inutil ang gobyerno at sunud-sunuran sa dikta ng oil cartel habang winawasak ang kabuhayan ng mga magsasaka, manggagawa at maralitang mamamayan.
Ngayong 2026, lalo pang lumala ang kalagayan. Sa loob lamang ng mahigit isang buwan, sunod-sunod na OPH ang ipinatupad ng mga kumpanya ng langis. Noong Enero 13, nagtaas ng P0.30 sa gasolina, P0.20 sa diesel at P0.30 sa kerosene. Sinundan ito ng “big-time” OPH noong Enero 20 na umabot sa P1.00 ang itinaas sa gasolina, P2.00 sa diesel at P1.50 sa kerosene. Noong Enero 27, muling tumaas ng P0.40 ang gasolina, P1.40 ang diesel at P0.80 ang kerosene. Pebrero 3 ay muling pinatawan ng P0.80 pagtaas sa gasolina, P1.60 sa diesel at P1.10 sa kerosene.
Ayon kay Ronnie Manalo, secretary general ng KMP, “Ika-lima na bukas na oil price hike ngayong taon. Walang humpay ang pahirap sa mamamayan habang mahimbing ang tulog sa pansitan ng DOE at nagbubulag-bulagan ang Malakanyang.”
Dagdag pa ni Manalo, “Hindi lang world crude oil prices ang ugat ng problema kundi ang Oil Deregulation Law at ang ganap na kapangyarihan ng oil cartel na walang pakialam sa dinadanas na hirap ng mamamayan. Habang kumikita sila nang bilyon-bilyon, lalo namang nilulunod sa utang at kahirapan ang mga magsasaka at manggagawa.”
Binibigyang-diin ng KMP na ang bawat pisong pagtaas ng presyo ng langis ay domino effect sa pagtaas ng presyo ng pagkain, pamasahe, abono, kuryente at iba pang batayang pangangailangan. Sa agrikultura, direktang tinatamaan ang gastos sa produksyon na lalong nagpapabagsak sa kita ng magsasaka at mangingisda at nagtutulak sa mas mataas na presyo ng pagkain.
Sinabi pa ni Manalo na mga kumpanya ng langis ang tanging nakikinabang sa taas-presyo patunay ang paglobo ng kita ng oil companies. Sa unang siyam na buwan ng 2025, nagtala ng 37% paglaki tungong P9.7B ang net income ng Petron Corp. ni Ramon Ang. Samantalang ang Pilipinas Shell ay kumita ng P1.3B.
Nanawagan ang KMP ng agarang pagbasura sa Oil Deregulation Law, pagpapanagot sa mga kumpanya ng langis. “Hindi lingguhang oil price hike ang kailangan ng mamamayan kundi agarang aksyon at pananagutan ng gobyerno. Habang inutil ang estado, patuloy na lalaban ang mamamayan,” pagtatapos ni Manalo. ###
