Mariing kinokondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang panibagong pagtaas ng presyo ng langis na lalong nagpapabigat sa kalagayan ng maliliit na magsasaka at mamamayan. Nagtaas ng P1.90 ang presyo ng kada litro ang gasolina, P1.50 kada litro ang diesel at P1.20 naman sa kerosene ang Seaoil Philippines, Inc., Shell Pilipinas Corp., Petron Corp., Chevron Philippines, Inc. (Caltex), Jetti Petroleum, Inc., and PTT Philippines Corp. May pagtaas din sa diesel at gasoline ang PetroGazz Ventures Philippines Corp. and Cleanfuel. Ikasampu na itong oil price hike para sa diesel at kerosene at pangwalo sa gasolina.
Ayon sa ulat pumalo ang presyo ng Brent crude sa mahigit $80 kada bariles kasunod ng tumitinding tensyon sa Middle East bunsod ng pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa Iran. Posible pang umakyat ito sa $100 kada bariles kung titindi at tatagal pa ang sigalot at maaapektuhan ang daloy ng langis sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang tinatayang halos 20 porsyento ng pandaigdigang suplay ng krudo. “May direktang epekto sa masa ang nagaganap na tensyon sa Middle East at ang panggegera ng US at Israel sa Iran.”
Sa kabuuan, umabot na ang pagtaas kada litro mula Enero ng P6.70, P9.40, at P7.70 ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene. Ayon sa mga ulat, mas mataas pa ang OPH sa susunod na linggo. Bawat pagtaas ay direktang tumatama sa sektor ng agrikultura na umaasa sa diesel para sa traktora (hand tractor) patubig, transportasyon ng ani at iba pang operasyon sa bukid.
“Sa bawat piso na idinadagdag sa presyo ng diesel, binabawasan ang kakarampot na kita ng maliliit na magsasaka,” pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP. “Kung aabot sa $100 kada bariles ang langis sa pandaigdigang merkado, tiyak na susunod ang mas mabibigat na dagdag-presyo sa Pilipinas at mas lalong lulubog sa utang ang mga magsasaka. Direktang apektado rin ang mga manggagawa, mga mangingisda, mga nasa transport at mga konsyumer. Dagdag pagdurusa at kahirapan sa masa.”
Iginiit ng KMP na agarang magpatupad ang pamahalaan ng subsidyo sa krudo at farm inputs tulad ng abono at pestisidyo upang maibsan ang pagtaas ng gastos sa produksyon. Dapat ding palakasin ang direktang ayuda sa mga magsasaka upang mapanatili ang produksyon ng pagkain at maiwasan ang tuluyang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa KMP, ang walang patid na oil price hike ay patunay kung gaano kaganid ang mga oil companies at kung gaano ka-bulnerable ang lokal na agrikultura sa pandaigdigang krisis sa langis. Kung walang malinaw at agarang suporta mula sa gobyerno, hindi lamang kabuhayan ng mga magsasaka ang nakataya kundi ang seguridad sa pagkain ng buong bansa.
“Panahon na upang unahin ang mga nagbubungkal ng lupa at masang anakpawis at hindi ang interes ng malalaking kumpanya ng langis. Ibigay ang nararapat na subsidyo at ayuda sa sektor ng agrikultura at mga manggagawa ngayon na,” pagtatapos ng KMP. ###
