Nagbabala ang grupong magsasaka na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na maaaring muling humarap ang mga magsasakang Pilipino sa panibagong pagtaas ng presyo ng abono dahil sa pagkagambala sa pandaigdigang suplay na kaugnay ng tumitinding tensyon sa Middle East, na nagtutulak pataas sa presyo ng urea.
Ayon sa monitoring ng Fertilizer and Pesticide Authority, nitong ikalawang linggo ng Marso, tumataas na ang presyo ng urea sa bansa. Umaabot na sa humigit-kumulang P1,672 bawat sako (50-kg) ang karaniwang presyo ng urea, P1,650 bawat sako ang granular urea, at P1,638 naman ang presyo ng complete fertilizer (14-14-14).
Naiuulat din ang lingguhang pagtaas ng presyo sa ilang rehiyon, habang mas mataas pa ang aktuwal na presyo sa retail. Noong kasagsagan ng digmaan ng Russia at Ukraine, umabot pa sa P3,000 bawat sako ang presyo ng abono.
Ang nakaambang pagtaas ay inuugnay sa pagkagambala sa pandaigdigang produksyon ng abono matapos tumaas ang presyo ng natural gas dahil sa problema sa suplay ng enerhiya sa Middle East. Ang natural gas ay mahalagang sangkap sa paggawa ng ammonia at urea fertilizer. May mga ulat din na ang paghinto ng produksyon ng liquefied natural gas (LNG) sa Qatar at ang nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon ay nakaapekto na sa pandaigdigang merkado at kalakalan ng abono. Nananatili ring naipit ang ilang shipment sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang tinatayang 45% ng pandaigdigang eksport ng urea.
“Muli, mga magsasaka at karaniwang mamamayan ang magdurusa dahil sa epekto ng panggera ng US at Israel sa Iran,” ayon kay Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng KMP.
“Malaki ang inaangkat ng Pilipinas na abono kaya lalong magpapabigat sa gastos sa produksyon ng lokal na bigas at produktong bukid ang nagaganap na panggegera ng imperyalistang US.”
Ayon sa KMP, nananatili ang abono bilang isa sa pinakamalaking gastusin sa produksyon ng mga magsasaka ng palay at mais. Kung patuloy ang pagtaas ng presyo nito, mapipilitan ang mga magsasaka na bawasan ang paggamit ng pataba, na posibleng magpababa sa ani at makaapekto sa kabuuang produksyon ng pagkain.
“Para sa mga magsasaka, kahit P100 o P200 na dagdag sa presyo ng bawat sako ng abono ay napakalaking dagdag-gastos kapag pinagsama-sama sa ilang ektaryang taniman,” dagdag ni Manalo. “Marami sa ating mga magsasaka ang hindi pa nakakabangon mula sa nakaraang pagtaas ng presyo ng farm inputs at napakaraming mga pagkakautang.”
“Mahihirapan na makapagtanim ang mga magsasaka sa next cropping. Ngayong cropping, hirap na hirap na sila sa napakamahal na presyo ng diesel at gasolina.”
“Kailangan ng makabuluhang suporta sa produksyon, sawatahin ang mga kartel, at suportahan ang pagbuo ng lokal na produksyon ng abono at iba pang alternatibo,” sabi ni Manalo.
“Sa huli, dapat na kondenahin ng mga magsasaka ang nagpapatuloy na panggegera ng US at Israel sa Middle East na nagdulot ng oil price shocks sa buong mundo.”
Binigyang-diin din ng grupo na kailangan ang pangmatagalang mga patakaran upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na farm inputs. “Ipinapakita ng paulit-ulit na krisis sa abono ang agarang pangangailangan na magtayo ng isang sariling nakasandig at matatag na sistemang agrikultural,” pagtatapos ni Manalo. ###
