


Nagdurusa ngayon ang mga magsasaka ng gulay sa Benguet dahil sa patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon kasabay ng mababang kita dulot ng matumal na bentahan. Malubha na at ramdam na ramdam ng mga magsasaka at sektor sa agrikultura ang epekto ng halos isang buwan nang panggegera ng US at Israel sa Iran.
Ayon sa Alyansa Dagiti Pesante iti Kordilyera (APIT TAKO), chapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa Cordillera Administrative Region, malaki ang ibinagsak ng volume ng gulay na naibibiyahe mula La Trinidad patungong mga bagsakan sa Divisoria, sa Maynila.
“Mula sa dating lagpas sa sampung 10-tonner trucks, bumaba sa isa hanggang limang 10-tonner trucks na lang ng temperate vegetables ang naibibyahe mula sa lahat ng trading posts sa La Trinidad, Benguet papuntang Divisoria,” pahayag ng APIT TAKO. Karaniwang gulay na ibinibyahe mula Benguet ang cabbage, carrots, patatas, wombok (Chinese cabbage) lettuce, broccoli, cauliflower, celery at beans.
Dagdag pa nila, pangunahing dahilan nito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng farm inputs at langis na direktang nagpapataas sa gastos sa produksyo at transportasyon ng mga ani. “Hindi na abot kaya ng mga magsasaka at biyahero ang gastos sa transportasyon ng gulay mula sa trading posts papunta sa mga bagsakan at palengke.”
Kinumpirma rin ng mga trader ang problemang kinakaharap ng sektor. Sa panayam sa media Ng sa League of Associations at the La Trinidad Vegetable Trading Areas Inc., kahit may sapat na suplay ng gulay, mababa naman ang demand.
Maraming mamimili ang hindi na bumibiyahe dahil sa napakamahal na presyo ng petrolyo, dahilan upang hindi mabili ang mga gulay kahit ibinababa na ng husto ang presyo ng mga ito. Nasa 130 per litro ang presyo ng diesel sa Benguet. Ayon sa mga magsasaka, posibleng mas matindi pa raw sa pandemya ang nararanasang problema ngayon ng mga magsasaka at vegetable trader sa Benguet dahil sa super taas na presyo ng produktong petrolyo.
Nanawagan ang APIT TAKO at asosasyon ng mga traders na pabilisin ng gobyerno ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka at traders at agarang ipatupad ang pagsuspinde ng excise tax at VAT sa petrolyo upang maibsan ang pasanin ng mga magsasaka at trader.
Sa kasalukuyan, nahaharap ang mga magsasaka sa dobleng pasanin: mataas na gastos sa produksyon at transportasyon, at bagsak na kita dahil sa hindi maibentang ani.
Kasama ang APIT TAKO at KMP sa malawakang protestang bayan para sa buhay at kabuhayan ngayong araw. Giit Ng mga magsasaka na wakasan na ang gera ng US at Israel sa Iran na nagpapalala pa sa krisis na dinadanas ng mga Pilipino. ###
Nasa mga larawan: mga farm at vegetable gardens sa Benguet at Mt. Province. (Mula sa APIT TAKO)
