Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na gawing libreng ayuda ang programang “Benteng Bigas, Meron Na!” at ipamahagi ito sa mga senior citizen at iba pang bulnerableng sektor, sa gitna ng patuloy na pagtindi ng krisis dahil sa gera ng US at Israel kontra sa Iran.
“Dapat libre nang ipamahagi ang bigas sa mga senior citizen at pinaka-bulnerableng sektor na apektado ng krisis. Hindi sapat ang benteng bigas kung wala rin pambili ang masa,” ani KMP chairperson na si Ronnie Manalo.
Inulit ng grupo ng mga magsasaka ang dati na nitong panawagan kasunod ng deklarasyon ng Department of Agriculture (DA) na pagpapalawak ng programang Bente Bigas Meron na sa iba’t-ibang lungsod at probinsya. Saklaw ng programa ang senior citizens, PWD, solo parents, at minimum wage earners. Pati mga magsasaka at mangingisda kasama na daw sa mga maaring makabili ng P20/kilo ng bigas. Hanggang sampung kilong Benteng Bigas ang pwedeng mabili ng bawat indibidwal.
“Kahit pinalawak na ng DA ang programa, limitado ang naaabot ng Benteng Bigas. Mas mayorya pa rin ng suplay ng bigas sa mga palengke ay lampas P50 kada kilo, may umaabot pa sa P65 per kilo. Hindi ito abot kaya ng masa. Imbes na ginagamit sa mga pabida ng DA at Malakanyang ang Benteng Bigas na ibinebenta din naman sa masa, gawin na lang itong rice aid o ayudang bigas. Tutal nabili na ito ng gobyerno,” giit ng KMP.
Ayon sa mga ulat, madaling araw pa lang pumipila na ang mga mamimili upang makabili ng P20 kada kilong bigas, habang kinakailangan pang dumaan sa online registration system dahil sa limitadong suplay at mataas na demand.
Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa humigit-kumulang 1.88 milyong metriko tonelada ang kabuuang suplay ng bigas sa bansa, kung saan bahagi nito ay hawak ng National Food Authority (NFA) bilang buffer stock.
Dagdag pa ng KMP, may milyun-milyong sako ng palay at mahigit isang milyong sako ng bigas sa imbentaryo ang NFA batay sa pinakahuling ulat.
Binigyang-diin pa ng grupo na ang mga inilalabas na rice stocks, kabilang ang mga aging stocks na dati nang ino-auction sa mga traders ay dapat tiyaking mapunta sa direktang pamamahagi bilang libreng ayudang bigas sa mga sektor na pinakanangangailangan. “Kung may inilalabas na rice stocks ang gobyerno, mas makatarungan na direktang ipamahagi ito bilang ayuda kaysa ibenta pa,” ani Manalo.
Iginiit din ng KMP na importante rin na mailabas ang aging rice stocks para magkaroon ng espasyo sa mga bodega ng NFA at makabili pa ito ng mas maraming palay mula sa lokal na magsasaka.
“Noong nakaraang anihan, ginawang dahilan ng NFA na hindi ito makabili ng palay sa magsasaka dahil puno pa daw ang mga warehouse. Dapat maging pursigido ang NFA na ilabas ang rice stocks, para makabili ng mas maraming ani ng magsasaka sa darating na Abril-Mayo. Ito ang tunay na tulong para sa mga magsasaka at konsyumer,” paliwanag niya.
Sa huli, binigyang-diin ng grupo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at bilihin, laluna ng bigas, kinakailangan ang mas konkretong tugon at tulong ng gobyerno kaysa mga pabida at pambobola ng ng DA at Malakanyang. “Sa gitna ng krisis sa pagkain at kabuhayan, hindi dapat negosyo ang bigas kaya dapat masawata rin ang kartel na nagsasamantala sa sobrang pagtaas ng presyo ng bigas,” pagtatapos ni Manalo. ###
