Sumama sa Mayo Uno!

Lalong tumitindi ang krisis na dinaranas ng mamamayang Pilipino habang pinaiigting ng imperyalistang US ang mga gera nito sa West Asia. Ang agresyon laban sa Iran ay bahagi ng matagal nang layunin ng US na kontrolin ang langis at dominahin ang rehiyon. Ang pambobomba at pananakot nito ay nagbubunsod ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan, lalo na sa mga rutang tulad ng Strait of Hormuz, na agad namang ipinapasa sa mga bansang umaasa sa mga import tulad ng Pilipinas.

Sa kanayunan at kalunsuran, ramdam na ramdam ang bigat ng digmaan at krisis. Ang pagtaas ng presyo ng langis ay nagdudulot ng sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng pagkain, pamasahe, kuryente, abono, at iba pang batayang gastusin. Para sa mga magsasaka, tumataas ang gastos sa produksyon at transportasyon habang nananatiling mababa ang presyo ng ani. Habang nagkakamal ng tubo ang mga kartel at malalaking negosyo, patuloy namang pinapasan ng manggagawa, sa pabrika man o sa hacienda, ang gutom at kahirapan. Kaya mahalaga at napapanahon ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod at pambansang living wage, kabilang ang disenteng sahod para sa mga manggagawang agrikultural na istoriko nang binabarat at pinagkakaitan ng karapatan.

Sa darating na Mayo Uno, sama-sama tayong kumilos at manindigan. Inaanyayahan ang lahat ng manggagawa, magsasaka, kabataan, at mamamayan na lumahok sa mga kilos-protesta at paggunita sa Araw ng Paggawa upang tutulan ang imperyalistang gera ng US laban sa Iran at igiit ang agarang solusyon sa krisis sa Pilipinas: i-rolbak ang presyo ng langis, pagbabasura ng Oil Deregulation Law, pagtanggal ng VAT at excise tax sa produkltong petrolyo, at pagtahak sa landas ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Sa pagkakaisa ng manggagawa at magsasaka, maipapagtagumpay natin ang laban para sa sahod, lupa, at panlipunang hustisya!

📅

 Mayo 1 2026

🕖

 7:00 AM

📍

 P. Noval corner España

#MayoUno2026#LaborDay

Leave a comment