








Panagutin ang lahat ng sangkot sa korapsyon sa gitna bangayan sa Senado
Magbabantay ang magsasaka sa isasagawang special session ng Kongreso ngayong araw upang igiit na dapat matuloy ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte at mapanagot at maparusahan ang lahat ng sangkot sa sistematikong korapsyon sa burukrasya, sa gitna ng umiigting na bangayan sa Senado at ng mga paksyong maka-Marcos at maka-Duterte. “Ang paglilitis at paghatol kay VP Sara ay bahagi ng pagpapanagot sa nagdaang rehimeng Duterte na napakaraming kasalanan nito sa mga magsasaka at taumbayan.”
Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ang ipinatawag na special session ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay malinaw na nauugnay din sa agawan ng liderato ng Senado. Isinabay ang special session sa bisperas ng impeachment pre-trial ng Bise Presidente bukas, Hunyo 18.
Ayon pa sa grupo ng mga magsasaka, ang mga maniobra kaugnay ng special session at ang inaasahang girian ng mga Senador mula sa iba’t ibang kampo gaya ng panig nina Cayetano at Gatchalian, ay nagpapakita ng patuloy na bangayan ng mga paksyon sa loob ng naghaharing uri.
“Habang nag-aagawan sila ng kontrol sa Senado, ang taumbayan ang patuloy na ninanakawan. Ang special session na ito ay malinaw na bahagi ng bangayan ng mga paksyong Marcos at Duterte na parehong may pananagutan sa korapsyon at paglustay ng pondo ng bayan.”
“Labanan ito ng dalawang paksyong matagal nang nakikinabang sa bulok na sistema. Kaya hindi pagpapalit ng liderato sa Senado ang solusyon kundi tunay na accountability kontra sa umiiral na impunidad o impunity.”
Binigyang-diin ng KMP na dapat ituloy ang impeachment proceedings laban kay VP Sara, at sabayan ng pagkakaso at paghuli sa lahat ng sangkot sa mga anomalya sa flood control at infrastructure projects kabilang ang mga opisyal at kaalyado ng Malakanyang. Maysala si Sara Duterte sa paglustay sa pondo ng DepEd at lalong maysala rin si Marcos Jr na siyang nag-apruba ng national budgets mula noong 2022. Dapat managot ang lahat – kabilang ang mga nasa pinakamataas na posisyon,” ani Ronnie Manalo, KMP Secretary General.
Para sa KMP, malinaw ang panawagan ng taumbayan: ituloy ang impeachment trial, ilantad ang katotohanan, at panagutin ang lahat ng sangkot sa korapsyon anuman ang kanilang paksyon.
“Anuman ang kalabasan ng special session, hindi dapat maantala ang impeachment trial ni Sara Duterte, dapat mahuli na si Bato Dela Rosa at dapat managot ang mga Marcos at Duterte at lahat ng nasa likod ng korapsyon sa bayan,” pagtatapos ni Manalo. ###
