Mariing kinukondena ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL) ang walang katiyakang ayuda para sa mga magsasaka simula noong unang i-anunsyo ang Luzon-wide lockdown hanggang sa ngayon na pahahabain pa ito nang dalawa linggo na matatapos sa April 30.
Ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL, matagal nang hikahos ang mga magsasaka dahil bago pa man nagsimula ang COVID19 pandemic ay labis nang hirap ang binabalikat ng mga magbubukid dahil sa epekto ng liberalisasyon sa bigas na nagdulot din ng malawakang bentahan at mga kumbersyon ng lupa. Sa mga panahong walang ani, walang ding katiyakang mapakain ang mga tagapaglikha ng pagkain kaya dapat isaalang-alang ang kalagayan ng mga magbubukid sa pagharap sa pandemya.
Dahil dito, kinwestiyon ni Canlas ang Cash Assistance for Rice farmers (Rice Farmer Financial Assistance) na nakasaad sa special guidelines on the provision of social amelioration measures. Ayon sa kanya, “Ang sinasabi lang, ang makakatanggap dito ay yung may isang ektarya pababa na lupang sakahan. E paano naman ang mga manggagawang bukid na walang sariling lupa? Hindi sila kasama sa magbebenepisyo nitong sinasabing cash assistance.” Dagdag pa nya, mas malaki umano ang bilang ng mga manggagawang bukid sa Gitnang Luzon kaysa sa mga magsasakang may pagmamay-ari ng isang ektarya pababa kaya walang katiyakan ang ayuda sa uring nagbubungkal.
Sa isa pang bahagi, kahit umano ang pangakong ayuda sa mga magsasaka dahil sa pagkaluging dulot ng Rice Tariffication Law sa ilalim ng RCEF ay hindi rin mismo tinupad na mapasakanila. Hindi rin sinasang-ayunan ni Canlas sa ngalan ng buong Alyansa ang paglalako ng Sure-Aid o ang 25,000 loan na pwedeng i-avail ng magbubukid. Naninindigan ito na hindi kailanman maituturing na tulong ang magpautang sa magsasaka sa panahon ng pandemya bagkus ay maglulugmok lang lalo sa lugmok ng sitwasyon.
Ayon din kay Canlas, labis ang pagtutol ng kanilang hanay sa extension ng lockdown kung mananatiling ganito ang pamamaraan/sistema sa pagbibigay ng ayuda dahil tiyak na gutom ang aabutin ng buong mamamayan. Dahil kahit ngayon ay panahon ng anihan dahil sa lockdown, mga pribadong trader at palay buyer ang namimili sa presyong sila ang nagtatakda na nagiging dahilan ng pagkalugi. Kaya ang magsasakang naturingang tagalikha ng pagkain ay walang isasaing sa hapagkainan panahon man o hindi ng anihan.
“Kailangan masubaybayan ng gobyerno ang mismong pagdaloy ng kanyang programa lalo na sa magsasaka na bulnerableng sektor din sa kasalukuyan ngunit patuloy na nagbubungkal at nagtatanim.” Ang mga magsasaka at manggagawang bukid ang ang maituturing na frontliners sa ating food security sa gitna ng pandemya.
Sa huli, ang panawagan ng AMGL ay ang kilalanin ang karapatan ng mga magsasaka sa lupang binubungkal, at bigyan ang ayuda at suporta. Kailangan rin itigil na ang land-use conversion at palakasin ang agrikultura at ibasura ang lahat ng batas na sasagka sa produksyon at seguridad sa pagkain kabilang ang Rice Liberalization Law.